CLICKBAIT ni JO BARLIZO
MADUGO ang palitan ng kuro-kuro at opinyon ukol sa Menstrual Leave Bill. Lumalala ang daloy ng dugo dahil naglalabasan na ng kanilang galing ng kaalaman, partikular ang ibang lalaki na hindi naman batid ang dinaranas na sakit ng mga babaeng dinaratnan ng buwanang dalaw.
Pero mukhang ang ugat, kaya marami ang nakikisawsaw ay ang galit at inggit ng ibang lalaki sa mga babae.
Apektado ang trabaho ng babae kung siya ay may regla at nakararanas ng dysmenorrhea. Nakagagambala ang sobrang pananakit ng puson sa pagiging produktibo ng babae sa trabaho.
Kaya kailangan nilang magpahinga, bumalik na maayos ang kalusugan nang maging productive at hindi maapektuhan ang takbo ng negosyo.
Saka wala namang sick leave, ‘di ba? Limang araw na service incentive leave lang ang ipinagkakaloob at maaaring gawing sick o vacation leave kaya paano magiging pabigat ang menstrual leave sa mga kompanya at hindi nagpapakita ng pantay na trato sa mga lalaki?
Sa mga sumasalungat, hindi masama ang mangatwiran at magpaliwanag, ngunit hayaan natin ang mga mambabatas na pakinggan ang magkakaibang panig, ibigay natin sa mga mambabatas ang tsansang pag-aralan, intindihin at timbangin ang usapin. Sila ang magdedesisyon.
Hindi naman siguro duduguin ang kanilang ilong sa hirap ng pagbibigay ng desisyon at konklusyon. Hindi ba ex-senator Ping Lacson?
Problema pa rin ang malnutrisyon
Nakababahala ang kinalabasan ng bagong pag-aaral ng United Nations Children’s Fund (UNICEF), na nagsabing 74 porsyento ng mga batang Pinoy ay mas nakakakain ng junk foods kaysa gulay at prutas.
Ayon sa pag-aaral, mas pinipili ng maraming batang Pinoy ang kumain ng matatamis, maaalat, at matatabang pagkain sa halip na masustansyang pagkain tulad ng gulay at prutas.
Karamihan din sa trese hanggang kinse anyos na bata ngayon ay mahilig sa carbonated drinks tulad ng softdrinks.
Ang epekto ng ‘hilig’ o nakasanayan nang lasa ng mga bata ay malnutrisyon, na sanhi ng mali o kakulangan sa pagkain, at pagkawala ng sustansiya.
Maganda ang layunin ng UNICEF na makatulong sa pamahalaan sa pagbalangkas ng polisiyang tutugon at magbibigay ng atensyon sa masustansiyang mga pagkain sa mga bata at pamilya. Tiyak kasi na ang malusog na mamamayan ay pundasyon ng matibay na pamayanan.
Ang malnutrisyon ay sanhi ng kakulangan sa timbang, pagiging bansot at labis na katabaan na ayon sa pag-aaral ay magdudulot ng mga sakit tulad ng diabetes at high blood.
Kung sisilipin ang salik o sanhi nito, maiisip agad ang kahirapan.
Hindi maihatag ng pobreng pamilya sa kanilang hapag ang masustansyang pagkain habang nasasanay ang mga bata sa mga sitserya, matataba, matatamis at maaalat na pagkain, at hindi binibigyan ng halaga ang sustansiya.
Mahalaga ang gabay ng magulang tungo sa sapat at masustansiyang pagkain, ang masaklap nga lang na katotohanan, hindi sapat kundi salat ang sustansya ng kanilang bulsa.
