MAFIA SERIES

0

SA panahon ng lockdown, maraming tao ang inaaliw na lang ang sarili sa movie series sa media platform (may bayad nga lang at kailangan mo ng internet) dahil kung hindi ay lalo silang mababaliw at magde-depress.

Ang daming mafia series na inilalabas at pinag-uusapan sa mga chat group ng mga taong nakapanood at nagbibigay sila ng kani-kanilang opinyon sa napanood nilang serye sa telebisyon.

Usong-uso ang mga series tulad ng rise and fall ng mga drug kingpin sa Mexico at Columbia, intel operations laban sa mga terorista at pagnanakaw ng pera sa bangko at sindikato sa loob ng ­gobyerno na pawang gawa sa ibang bansa.

Pero sa Pilipinas, merong sinusubaybayang series ang mga Filipino… real life series at hindi kathang-isip na karaniwan nating napapanood sa mga telebisyon… ang serye ng imbestigasyon sa pagbili ng Procurement Service of the Department of Budget and Management (DBM).

Ang tawag ng ilan ay “Davao mafia” pero ayaw kong tawaging ganyan dahil kawawa naman ang mga ordinaryong taga-Davao na wala naman talagang kinalaman sa napakalaking ­anomalyang ito na iniimbestigahan ng Senado.

Sa mga initial result ng imbestigasyon ng mga senador sa mala-mafia na galawan sa PS-DBM na pinamumunuan dati ni Lloyd Christopher Lao na isang certified Davao Boy, pawang mga kababayan ni Pangulong Duterte ang ­players.

Maging ang negosyanteng si Michael Yang na dati na ring isinasangkot sa ilegal na droga, ay Davao Boy dahil 20 taon na raw nagnenegosyo sa Davao, ayon mismo sa Pangulo, at maraming koneksyon sa China.

Naestablisa sa Senate hearing na talagang binigyan ng matinding pabor ng PS-DBM ang Pharmally Pharmaceutical Company ni Yang na ang mga partner sa negosyo ay mga wanted daw sa Taiwan dahil sa kasong may kinalaman sa pera at negosyo.

Parang walang ipinagkaiba sa mga eksena sa mga mafia series sa telebisyon na meron talagang ginagamit na kumpanya para doon idaan ang mga perang kinita sa ­ilegal na paraan!

Sabi ng ilang senador, mukhang sinadya ang lahat para makopo ng Pharmally ang pinakamalaking kontrata sa medical supplies, mula sa appointment ni Lao sa PS-DBM lalo na’t natuklasan na tinangka n’yang maging confidential employee ng nasabing tanggapan para mangasiwa sa pagbili ng mga kailangan ng Department of Health (DOH) na nagkakahalaga ng P42 billion.

Tulad ng isang pelikula, kapana-panabik kung paano magwawakas ang seryeng ito. Saan makararating ang imbestigasyong ito, sino ang mga masasangkot pa at sino ang pinaka-utak.

Karaniwan sa huli ng palabas nabubuo ang picture kung papaano gumalaw ang isang mafia at ‘yan ang pinaka-aabangan ng mga tao sa serye ng imbestigasyon ng Senado sa anomalyang ito na tiyak na sisira sa mukha ng Duterte administration.

Tulad ng sabi ko, ang hilig ng mga tao na manood ng “mafia movie at series” kaya sinusubaybayan ang serye ng imbestigasyong ito ng Senado lalo na’t walang magawa ang mga tao dahil pinipigilan sila ng gobyerno na magtrabaho dahil panay ang pagpapatupad nila ng lockdown.

Walang pinagkaka-abalahan ang mga tao sa kanilang bahay kundi manood lalo na ‘yung mga hindi “work from home employees” kaya wala silang pinapalagpas na imbestigasyon ng Senado.

Bago naging pangulo si Digong, may mga gobyerno na nauna sa kanya na kapag may malaking isyu na hindi nila kayang kontrolin, ang ginagawa nila ay kinakausap nila ang mall operators para magpatupad ng 3 days sales para ilihis ang atensyon ng mga tao.

Ngayon ‘di na nila ­puwedeng gawin ‘yan dahil sila mismo ang magpapasara sa operasyon ng mga ­negosyo para daw makontrol ang paglaganap ng COVID-19, dahil sa ipinatutupad na ­lockdown na parang hindi naman epektibo dahil patuloy pa rin ang pagdami ng mga taong tinatamaan ng virus na ito na nagsimula sa China.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment