MAG-RETIRE NA LANG KASI NANG TULUYAN

DPA ni BERNARD TAGUINOD

MARAMI ang tumaas ang kilay sa panukala ng apat na senador na bigyan ng karagdagang benepisyo ang mga dating pangulo ng bansa dahil hindi pa tapos ang kanilang trabaho kahit wala na sila sa puwesto.

Sabi ng netizens, sipsip bill ang inihain ng mga bata ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na sina Sens. Bong Go, Bato dela Rosa, Francis Tolentino at Mark Villar dahil isang tao at pamilya nito ang makikinabang dito.

Ang patakaran sa paggawa ng batas, dapat lahat ng mamamayang Pilipino ang makikinabang pero sa panukala ng apat na senador na ito na malapit kay Digong, hindi ito mangyayari.

Matagal nang patakaran na binibigyan ng seguridad ang dating Pangulo habang siya ay nabubuhay pero ‘yung pati ang miyembro ng pamilya ang dapat bigyan ng security, mukhang sobra na yata.

Kayang-kaya ng sinomang dating pangulo ng bansa na bigyan ng security ang kanilang pamilya. Bihira sa sa pulitiko ngayon ang walang personal security at maging ang mga miyembro ng kanilang pamilya. Bakit may security, may mga atraso ba?

Hindi na siguro kailangang gastusan ng lahat ng mamamayang Pilipino ang security ng pamilya ng isang dating pangulo lalo na’t hindi lang naman isa ‘yan, ang dami ng mga iyan. Ang dapat bantayan, ang seguridad ng mamamayan, ang taxpayers.

Kasama rin sa panukala na bigyan ng opisina ang dating pangulo at mga staff para sa kanilang post-presidential duties. Ibig sabihin, gagastusan ng mga Pilipino dahil ang pondo ang manggagaling sa Office of the President.

Bakit hindi na lang kasi mag-retire nang tuluyan dahil tapos na rin naman ang kanilang termino? Bakit kailangan pang magkaroon sila ng meeting sa foreign and local dignitaries? Hindi ba sapat ang 6 na taon?

Parang wala rin sa hulog na ipasagot sa taxpayers ang public events at social engagements na dadaluhan ng dating pangulo dahil personal na niya ‘yan at wala na sigurong pakinabang diyan ang mamamayan.

‘Yung susog naman ng isa pang bata ni Digong na si Sen. Robin Padilla na dapat daw otomatikong maging presidential adviser ang isang dating pangulo ay mukhang suntok sa buwan.

Paano kung hindi kakampi ng nakaupong pangulo ang pinalitan niya, tingin ba niya magiging komportable ang sitting president na bigyan siya ng importanteng papel sa kanyang administrasyon? Ang labo!

Hindi rin masisisi ang mga tao na isipin na ang panukalang ito ay para kay Digong dahil mga bata pa niya ang nagsulong lalo na’t malakas pa naman sa kalabaw ang dating Pangulo.

Pero sabi ko nga, para hindi na magastusan ang Pilipino taxpayers, dapat mag-resign na nang tuluyan ang mga dating pangulo dahil narating na rin naman nila ang tugatog ng kanilang political career.

O kaya tumakbo na lamang sa ibang posisyon tulad ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na tumakbo sa congressional election sa kanyang distrito sa Pampanga pagbaba niya sa puwesto at naging Speaker pa, at si dating Pangulong Erap na nakadalawang termino bilang mayor ng Lungsod ng Maynila.

252

Related posts

Leave a Comment