Enero pa lang ng bagong taon at bagong dekada subalit sobrang dami na ng ating pinagdaanan. Sa pakiramdam ng lahat, napakahaba ng Enero at tila hindi na ito matatapos, pero nalagpasan natin ito at ngayon naman ay nasa buwan na tayo ng mga puso, pero hindi pa rin tayo makahinga at mapalagay ang loob dahil kamakailan ay ginambala ang buong mundo ng nakamamatay na bagong 2019 novel coronavirus (2019-nCoV) na nagsimula sa Wuhan, China na nagdulot ng matinding pangamba lalo na sa Asya.
Umabot na sa mahigit 28,000 ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng nCoV sa China na higit na mas marami kaysa naitalang naapektuhan ng Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) noong taong 2002-2003.
Ang bagong virus na ito ay kumalat sa higit 15 bansa simula nang lumabas ito mula sa Wuhan bago matapos ang taong 2019. Karamihan ng mga nasawi dahil dito ay nagmula sa bansang China. Upang masugpo ang pagkalat ng virus na ito, nagpatupad nitong nakalipas na linggo ng transport ban papasok at palabas ng Wuhan upang ma-isolate ang mahigit sa 50 milyong katao mula sa nasabing lugar.
Ang mga bansang katulad ng Japan at Estados Unidos ang naunang nag-utos ng pag-evacuate ng kanilang mga mamamayan mula sa Wuhan. Sumunod dito ang European Union at South Korea, samantalang ang ibang mga bansa ay tinitimbang pa kung ano ang kanilang mga posibleng gawin.
Ang ating Department of Health (DoH) ay doble kayod sa mga panahong ito, kung saan mayroong 48 na kataong inoobserbahan kung magpo-positibo sa nCoV infections. Magandang balita na mayroong 30 katao na nag-negative sa nasabing infection subalit mayroon namang naitala na 1 kataong nasawi sa virus na ito.
Kapuri-puri ang DoH sa kanilang pagiging proactive at agresibo sa pagharap sa sitwasyong ito. Nagkaroon sila ng intensibong evaluation ukol sa nCoV. Nabanggit din ni DoH Secretary Francisco Duque III na mababa ang fatality rate ng nCoV na sa kasalukuyang ay mas mababa sa 3%.
Naging mabilis din ang aksyon ng ating gobyerno sa virus na ito. Nariyan ang pagsuspinde ng Bureau of Immigration sa pagbigay ng visa sa mga Chinese nationals pagdating dito sa bansa at pansamantalang pagpigil sa mga group tours. Isang cruise ship mula Hong Kong lulan ang daan-daang Chinese nationals ang hindi pinahintulutang dumaong sa Subic noong isang linggo. Binalaan din ng DoH ang ating mga kababayan na ipagpaliban muna ang pagbiyahe sa China, kung hindi naman ito importanteng lakad.
Nais kong manawagan na dapat ay hindi mag-panic ang publiko, sa halip ay magtulungan at maging maingat ang lahat. Ang anak ko na isang doktor ay nagsabi rin na “it is better to be safe than sorry.” Kaya’t ugaliin natin pagiging masinop at malinis upang masiguro na hindi na kumalat pa ang iba’t-ibang klaseng impeksyon. Nawa’y huwag pagtuunan ng panahon ang pagpapakalat ng mga fake news at sa halip ay tumulong na lang at magbayanihan upang ating malampasan ang krisis na ito.
141