MAGIC SA LAPID SLAY, PINANGANGAMBAHAN

BISTADOR Ni RUDY SIM

KUNG gaano kabilis ang misteryosong pagkamatay sa New Bilibid Prison ng itinurong middleman na si Jun Villamor na nag-utos sa self-confessed gunman na si Joel Escorial sa pag-ambush at pagpatay sa batikang komentarista at columnist na si Percival ­Mabasa o mas kilala sa pangalang Percy Lapid, ay tila scripted din ang paghuhugas-kamay ng mga opisyales ng NBP kung saan ay iginiit ng mga ito na walang foul play sa nangyari.

Matatandaang pinaslang si Lapid noong October 3 ng gabi habang ito ay patungo sa kanyang live streaming program sa Las Piñas City. Sa pangyayaring ito ay hindi lamang supporters ni Ka Percy ang naglabas ng kanilang galit, pagkalungkot at panawagan sa pamahalaan na panagutin kung sino ang utak ng krimen.

October 7, inilabas ng pulisya ang larawan ng person of ­interest na nahagip ng CCTV bago nangyari ang krimen at dahil sa kapangyarihan ng social media ay mismong ang gunman ay nangamba sa kanyang buhay dahil sa laki ng nakapatong sa kanyang ulo, kaya’t dalawang araw umano bago ang pagharap sa kanya ni DILG Secretary Benhur Abalos, noong October 18, ay sumuko na ito at pinangalanan ang iba pa.

Sa unang araw ng pagsuko ni Escorial ay nagsagawa na umano ang PNP ng record ­checking kung mayroong Jun Villamor ang nakapiit doon ngunit ito umano ay itinanggi. Kahit nasa panahon pa ng ­pagdadalamhati ang pamilya ni Lapid ay kahit paano sila’y nabuhayan ng loob.

May poot man sa dibdib ang kapatid ng biktima na si Roy Mabasa, ay nagpakita pa rin ito ng pagiging makatao upang makaharap ang self-confessed gunman para idetalye kung paano nila isinagawa ang surveillance kay Lapid, bago ang perfect ­target.

Hanggang sa ibinalita mismo sa publiko ni DOJ Secretary ­Boying Remulla noong October 20 na ang itinurong middleman na susi sana upang malaman ang naging utak ng krimen, ay patay na ilang oras matapos maiharap ni Abalos si Escorial. Depensa ng NBP, namatay umano si ­Villamor sa NBP hospital dahil sa ­naramdamang paninikip ng ­dibdib.

Maraming anggulo ang dapat tingnan dito na posibleng “sinupot” ang ulo ni Villamor ng kapwa nitong preso kaya’t walang nakitang bakas o ebidensya na posibleng nangyari, ayon kay Forensic Pathologist, Dr. Raquel Fortun.

Agad na gumuho ang inaasahan ng pamilya ni Ka Percy na mabibigyan pa ng katarungan ang kaso na tila isang eksena sa maaksyong pelikula na maaaring mangyari pala sa tunay na buhay.

Sa aking pagkakakilala kay Lapid na matagal ko nakasama sa trabaho, ay tapat ito sa kanyang layunin na maituwid ang kamalian sa gobyerno at para sa mga sangkot sa krimen, makalusot man kayo sa batas ng tao ay hindi sa mata ng diyos.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

78

Related posts

Leave a Comment