Ilang buwan pa lamang ang nakakaraan nang ipatupad ng gobyerno ang Rice Tariffication Law, nag-iiiyak na ang ating mga magsasaka sa negatibong epekto nito sa kanilang hanay. Ito ang pagbasak ng presyo ng palay sa bansa.
Sumisigaw na sila na luging-lugi, hindi na sila nakakabawi at tila minamasaker na sila dulot sa pagbagsak ng presyo ng palay, at hindi naman sila tinutulungan ng gobyerno.
Ito na ang sinasabi ko sa ilang isyu ng ating kolum na magiging kawawa talaga ang mga lokal na magsasaka sa nasabing batas, dahil ang talagang makikinabang dito ay ang ilang tiwaling opisyal ng gobyerno at mga dayuhang magsasaka kung saan tayo nag-iimport ng bigas.
Masasabi ko na talagang kalokohan ang batas na ito. Kung sino man ang may akda nito ay dapat sigurong pagtanimin ng palay sa loob ng isang araw sa ilalim ng matinding sikat ng araw at biglang umulan nang malakas para maramdaman niya ang hirap ng buhay ng mga magsasaka.
Kung sabagay, paano maramdaman ng mga mambabatas at agriculture officials ang hirap, hindi naman talaga sila magsasaka, karamihan sa kanila nagkukunyari lang na pro-farmer para sa kanilang interes sa politika.
Minsan ang iba, galing din sa nasabing sektor, kabalikat sa mga ipinaglalaban ng mga magsasaka, subalit kapag naipwesto sa gobyerno umiiba na ang kanilang pananaw lalo na kung milyun-milyong piso na ang sangkot na kapalit.
Ngayong umaabot na lamang sa P10 hanggang P7 ang kilo ng palay sa bansa, paano na nila mababawi ang kanilang ginatos lalo’t patuloy sa pagtaas ang presyo ng gasolina, pataba, binhi at iba pang mga gastusin?
Sa ilalim ng Rice Tariffication Law, inalis ang limitasyon sa pag-iimporta o import quota sa bigas ng mga pribadong negosyante basta magbabayad sila ng ipinataw na mataas na taripa.
Gayunpaman, base naman sa ating obserbasyon bilang mamimili, hindi naman gaanong bumaba ang presyo ng bigas. Kung dati, ang itinuturing na pinakamurang bigas na NFA ay nagkakahalaga ng P27-P32 kada kilo, ngayon ang pinakamura ay P36. Syempre babawiin din ng mga importer sa mga tao ang ibinayad nilang mataas na taripa.
Bakit sumisigaw ng tulong ang mga magsasaka, gayung bago ipanatupad ang nasabing batas, lumikha ang gobyerno ng Competitiveness Enhancement Fund. Ito ay nagkakahalaga ng P10 billion na magbibigay ng safety nets para sa mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga mas maayos na farming tools, binhi, at iba pang interventions na magpapaunlad sa kanilang ani. Saan napunta ang pondo?
Tama ang panawagan ng ilang mambabatas na rebyuhin ang nasabing batas o higit na makabubuti kung lusawin na ito dahil hindi talaga ito makatutulong sa mga lokal na magsasaka. (Point of View / NEOLITA R. DE LEON)
764