MAHIGPIT NA PAGBABANTAY SA SMUGGLING NG SIBUYAS

MY POINT OF BREW Ni JERA SISON

HETO na nga tayo sa sitwasyon na ginagawa na nating katatawanan ang nakakagulat na presyo sa sibuyas. Anak ng tokwa (na masarap isama ang sibuyas sa putaheng ‘tokwa’t baboy), umabot hanggang P880 kada kilo ng sibuyas noong bisperas ng Pasko at Bagong Taon. Pati ang mga nagtitinda sa palengke at supermarket ay wala kang makitang sibuyas!

Nagmistulang katatawanan sa socmed na ang sibuyas ngayon ay simbolo ng pagiging mayaman sa lipunan. May ginawang hikaw o bato ng singsing ang sibuyas upang iparating ang mensahe na napakamahal na ang presyo ng sibuyas!

Nagtataka lang talaga ako. Alam ba ninyo na madaling magtanim ng sibuyas? Opo. 90 hanggang 100 na araw lamang ang kailangan o apat na buwan upang makaani ng sibuyas. Ayon pa sa aking pagsasaliksik, ang sibuyas ay isa sa napakadaling itanim sa gulay. Hindi gaano mapili sa uri ng lupa. Kailangan lamang ay siguraduhin na buhaghag ang lupa at hindi nagbubuo tulad ng luwad o clay. Kaya ang tanong ko ay bakit nagkaroon tayo ng kakulangan sa suplay ng sibuyas? Bakit tinaon pa sa kapaskuhan?

Tila ang ating Pangulong Bongbong Marcos na siyang namumuno ng Department of Agriculture ay walang maliwanag na eksplanasyon sa problemang ito. Sabagay, kung yung kanyang mga in-appoint noong mga unang araw niya bilang pangulo ay pinalitan niya rin nitong mga nakaraang buwan ay wala rin malinaw na paliwanag, ang sibuyas pa kaya?! Haaaays. Nagtatanong lang po.

Puwes, kaya naman ito ang hinihintay na pagkakataon ng mga smugglers at mga lihis ang kaluluwa upang pagsamantalahan ang sitwasyon…o sinadya kaya nila itong kakulangan ng suplay ng sibuyas upang imaneobra ang presyo nito? Kamakailan, nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang isang shipment ng sibuyas mula China na nagkakahalaga ng P153 million. Kita ninyo?

Gumagalaw na po ang smugglers.

Ayon sa BOC, ang Manila International Container Port – Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS-MICP) ang nakahuli ng sinasabing kontrabando matapos nilang magspot-check examination ng pitong containers sa MICP. Batay sa papeles ng nasabing shipment, ito raw ay naka-consign sa Seaster Consumer Goods Trading at idineklarang fishballs. Huwaw!

Kaya naman si CIIS-MICP chief Alvin Enciso ay nagrekomenda ng issuance of Warrant of Seizure and Detention (WSD) sa Seaster Consumer Goods Trading upang kasuhan sila ng smuggling.

“We are fully aware of the woes of our kababayans because of the prices of goods, particularly fresh onions. We are taking extra steps to make sure these perpetrators are brought to justice and free our markets from illegally sourced. Imported products that could further impact the agricultural sector.” Ito ang pahayag ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz.

Kaya inaasahan na sa BOC sa pamumuno ni Commissioner Ruiz ay magpapatuloy ang mahigpit na pagbantay sa mga maaaring pagpasok ng smuggled na sibuyas sa mga susunod na buwan at ito lamang ay isa sa libu-libong mga kasangkapan na nagtatangkang magpalusot sa BOC upang makaiwas sa pagbabayad ng tamang buwis sa ating pamahalaan. Congratulations sa BOC.

29

Related posts

Leave a Comment