MAHIRAP SAKYAN

KUNG sasakyan at iintindihin ng mga ahensya ng transportasyon at ng pamahalaan mismo ang ipinaglalaban ng mga drayber ng jeepney at UV express ay maiibsan ang hinaing ng mga drayber at maiiwasan ang napipinto pang tigil-pasada at iba pang aktibidad na ang higit na apektado ay ang mananakay.

Ang pinakapunto ng tigil-pasada ay nanganganib ang kabuhayan ng mga drayber ng jeepney sakaling ituloy ang phase-out.

Imbes na pahupain ang silakbo ng mga nagpoprotesta ay pananakot at pagsikil pa sa karapatang ihayag sa pag-aklas ang rumagasa.

Ang babala na babawiin ang prangkisa ng mga nagpoprotestang mga drayber ay tipikal na pagsikil sa karapatan ng mga drayber na iparating ang hinaing sa mga kinauukulan.

Tiniyak ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na hindi mawawala ang traditional na jeep sa gagawing modernisasyon dahil ang babaguhin lamang ay ang bubong at ang pintuan na ilalagay sa kanan sa halip na sa likod para masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero. Ito ba ang sinserong pangkalma o patibong lang na nakakubli sa tunay na programa – ang phase-out?

Rehabilitasyon, ayuda at suporta ang kailangan hindi ang isubo ang mga drayber at operator sa isang bagay na hindi nila kayang pasanin at bayaran.

Sabi ni PISTON National President Mody Floranda, hangga’t walang malinaw na direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa jeepney phase-out ay magpapatuloy ang tigil-pasada.

Kung gayon, isang kumpas lang ng kamay ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na magbabasura sa DOTr Department Order 2017-011 o ang Omnibus Franchising Guidelines, ang tutuldok sa hinaing ng mga drayber at operator.

Dapat pakinggan ni Pangulong Marcos ang tunay na hinihingi ng mga organisasyon, na hindi kontra sa modernisasyon, ngunit asiwa sa totoong pakana at motibo ng programa.

Hindi pananakot at pagbabanta ang kailangan sa mainit na tiyempong demoralisado ang mga drayber sa nagbabadyang phase-out. Pakikinig sa kanilang suliranin, at solusyon sa problema ang dapat imaniobra.

Sino ba ang ayaw ng modernisasyon? Lahat naman ay asam ang pag-unlad.

26

Related posts

Leave a Comment