MABANGO ngayon ang pangalan ni Speaker Alan Peter Cayetano kahit napakapalpak ng kanyang pamumuno sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Kaya palpak, apat na panukalang batas pa lang ang naipasa ng Mababang Kapulungan.
Sa apat na nakarating kanyang panukala, dalawa ang naging batas na.
Ito ay ang pagpapalipat ng halalan ng Barangay at Sangguniang Kabataan sa Disyembre 2022 mula Mayo 2020. Magandang batas ba ito?!
Ang pangalawang naging batas ay ang proyektong Malasakit Center ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go.
Maganda ang batas na ito, sapagkat pinabibilis nito ang pagseserbisyo ng pamahalaan sa mga taong nagkakasakit. Mabuti na lang, ideya ito ni Go.
Kung hindi kay Go na “napakalakas” kay Pangulong Rodrigo Duterte, tiyak na hindi naging mabilis ang pagsasabatas nito.
Iyong panukalang batas hinggil sa P4.1 trilyong badyet ng pambansang pamahalaan para sa 2020 ay binubusisi pa ni Duterte upang matiyak na walang pondong mapupunta sa bank accounts ng mga senador at kongresista.
Sabihin n’yo ngayon sa akin kung napakahusay ng pamumuno ni Cayetano sa Kamara de Representantes. Ngunit mabango ang pangalan niya.
Katunayan, higit na mataas ang kanyang iskor sa survey ng Pulse Asia nitong Disyembre 3 hanggang Disyembre 8 kumpara kay Pangulong Duterte.
Noong nagaganap ang South East Asian Games, sabi ni Cayetano, tatalakayin sa Enero ang panukalang batas para sa prangkisa ng ABS-CBN Corporation.
Maraming nakasalang na panukalang batas para sa prangkisa ng nasabing TV network.
Kailangan nang maipasa ng Mababang Kapulungan ang panukalang batas para sa prangkisa ng kumpanyang pag-aari ng mga Lopez bago sumapit ang Marso upang mailarga ng ABS-CBN ang lahat ng kanyang mga programa para sa 2020 at sa susunod na mga taon.
Sa pagtatapos ng SEA Games noong Disyembre 11, ang napakahabang talumpati ni Cayetano ay ipinalabas nang live sa ABS-CBN.
Hindi naman pangulo ng bansa ngunit ipinalabas ng nasabing TV network si Cayetano habang nagtatalumpati.
Hindi maganda ang pananaw ng publiko rito, sapagkat mistulang aksyon ito ng ABS-CBN upang matiyak na ipasa ng Kamara de Representantes ang panukalang batas upang magpatuloy ang isa sa maraming negosyo ng pamilya Lopez.
Mahalaga ang nasabing TV network sa pamilya Lopez, dahil bukod sa napakalaking pera ang ipinapasok nito sa kanilang yaman, malinaw na makapangyarihan ang kanilang pamilya.
Sa talumpati ni Duterte sa mga biktima ng lindol sa Mindanao, idiniin at tiniyak niyang hindi maipapasa sa Kamara ang panukalang batas tungkol sa prangkisa ng TV network.
Idiniin pa ni Duterte na ibenta na lang ng mga Lopez ang ABS-CBN, sapagkat hindi nito makakukuha ang inabangang prangkisa hangga’t pag-aari ng nasabing pamilya ang nasabing higanteng kumpanya.
Malalaman natin kung kayang banggain ni Cayetano ang posisyon ni Duterte laban sa prangkisa ng ABS-CBN.
Malalaman natin sa susunod na mga buwan kung si Cayetano ba ang masusunod o si Duterte, kahit magkahiwalay na organo ng pamahalaan ang ehekutibo at lehislatura.
Ang pagharang sa prangkisa ng ABS-CBN ay patunay lamang na hindi mapatawad ni Duterte hanggang ngayon ang ginawa sa kanya ng TV network na hindi pagpapalabas ng kanyang patalatas para sa kanyang kampanya sa pagkapangulo ng bansa noong 2016, samantalang bayad na ag nasabing patalastas.
Sa halip, ang inilabas ng ABS-CBN ay patalastas na inuupakan si Duterte.
Ang pinansiyer umano ng nasabing upak kay Duterte ay si dating Senador Antonio Trillanes IV.
oOo
Alam ko na kayong mga mambabasa ay higit na maraming nalalaman kaysa inyong lingkod.
Kaya tumawag o mag-text na sa 0998 – 565 – 0271 (BADILLA NGAYON / NELSON BADILLA)
130