MAKALAYA NA SANA SI MARY JANE VELOSO

OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO

KASALUKUYANG nasa Indonesia si President Ferdinand ­”Bongbong” Marcos Jr. para sa makasaysayan at kauna-­unahan niyang state visit bilang pangulo ng ating bansa.

Bagama’t inaasahang tatalakayin sa pagbisitang ito ang ­pagpapatibay pa sa diplomatikong ugnayan ng dalawang bansa, hindi rin maiwasang umasa ang mga tao na mabibigyang pansin din ang kaso ni Mary Jane Veloso.

Sa mga hindi nakakaalam, 12 taon nang nakakulong ngayon sa Indonesia si Mary Jane dahil sa kasong pagdadala ng iligal na droga roon.

Pero maraming Pilipino, kabilang na ang dating Pangulong Noynoy Aquino at Digong Duterte, ang naniniwala na inosente si Mary Jane, kahit pa sa mismong bagahe niya nakuha ang nasabing kontrabando.

Marami ang naniniwala na biktima lamang si Veloso na ginamit ng isang drug syndicate para magpuslit sana ng 2.6 kilo ng heroin na nagkakahalaga ng $500,000 sa nasabing bansa noong Abril 25, 2010.

Kilala ang Indonesia na isa sa pinakamalulupit at mahigpit na bansa sa buong mundo pagdating sa usapin ng iligal na droga, kaya naman hindi kataka-taka na parusang kamatayan ang inihatol sa kanya ng korte roon.

Subalit dahil nga kahit ang mga lokal na awtoridad sa ­Indonesia sa pangunguna ni Presidente Joko Widodo, ay kumbinsido na ­maaaring inosente si Veloso, kung kaya’t hangga ngayon ay hindi pa rin ­naipatutupad ang hatol na kamatayan sa kanya.

At sa pagbisita nga ni PBBM sa Indonesia ay tila nabuhayan ng loob ang mga sumusuporta kay Mary Jane kabilang na ang kanyang pamilya at mga kaibigan.

Umaasa sila na matatalakay ni PBBM kay Widodo ang nasabing usapin at sa huli ay makumbinsi niya ito na mabigyan ng pangalawang pagkakataon sa kanyang buhay si Veloso.

Bagamat hindi naisama sa talaan ng pormal na agenda sa ­pagbisita ang kaso ni Veloso, inaasahan din na kakausapin ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo ang kanyang Indonesia counterpart hinggil dito.

Maging si Migrant Workers Sec. Toots Ople na kasama ni PBBM sa Indonesia, ay naniniwala rin na inosente si Veloso kaya naman maging siya ay itinutulak din ang agarang paglaya nito.

“What’s important is that we just keep praying, kasi may ­diplomatic track, pero mayroon din divine track. Iyong divine track is that of prayers. So, let’s just continue to hope and pray with the family,” sabi niya.

Kaya naman umaasa ang buong bansa na magagamit ni PBBM ang kanyang husay sa diplomasya upang kausapin si Widodo at ­tuluyan nang mapalaya si Mary Jane mula sa kanyang pagkakakulong.

Labing-dalawang taon na ring nagdurusa si Mary Jane sa ­kulungan at kung iisipin ay sobra-sobra na iyong pagdurusa para sa kasalanang hindi naman niya ginawa.

Related posts

Leave a Comment