MAKAMANDAG NA GAGAMBA, ITATAPAT SA VIAGRA

MY POINT OF BREW ni JERA SISON

MAIBA lang tayo ng paksa. Paalam Viagra, Cialis, Levitra, Rhino, Korean Ginseng tea, at kahawig na mga gamot na maaaring makatulong na mapanumbalik ang pagkalalaki ng isang tao. Alam ba ninyo na may natuklasan ang siyensya na maaaring maging alternatibo sa nabanggit kong mga gamot at ito ay mula sa kamandag ng isang gagamba?

Halos tatlong dekada na ang nakararaan nang ilang Brazilian researchers ang nagsimulang pag-aralan ang side effect mula sa kagat ng isang uri ng gagamba na makikita sa kanilang sagingan. Ang mga biktima ng kagat ng nasabing gagamba ay nakaranas ng tinatawag na priapism. Ito ay pagdanas ng masakit at patuloy na paninigas ng ari ng lalaki.

Dahil dito ilang siyentipiko mula sa Brazil ang nagsimulang mag-eksperimento upang gamitin ang kamandag ng nasabing gagamba bilang alternatibo sa popular na mga gamot sa pagkalalaki.

Sinubukan ng mga siyentipiko na gumawa ng isang synthetic molecule at hinalo ang kamandag ng gagamba na ilalagay na parang pomada na ipapahid sa ari ng lalaki upang tumigas ito. Tila positibo naman ang resulta sa kanilang clinical trials.

Ang nasabing gagamba ay kulay kayumanggi, mabuhok at may sukat na anim na pulgada. Ang gagambang ito ay isa sa pinakamakamandag sa buong mundo. Makikita ang nasabing gagamba sa mga bansa sa South America. Ang tawag dito ay “wandering spider” o “armed spider.”

Sa aking pagsasaliksik, may ilang gagamba at alakdan na may parehas na kamandag na maaaring magdulot na masakit na paninigas ng ari ng lalaki kapag sila ay nakagat.

Ang Ezequiel Dias Foundation (FUNED), isang medical research center sa Brazil, ang naghahango ng kamandag ng gagamba at ipinadadala sa Federal University of Minas Gerais (UFMG) at pinag-aaralan kung maaaring maging alternatibo ito sa mga gamot laban sa erectile dysfunction ng lalaki.

Ang Brazilian biotech company na Biozeus, ang nakakuha ng patent upang gumawa ng nasabing synthetic molecule na gagamitin bilang gamot na parehas ng Viagra. Plano ng nasabing kompanya na ibenta ito bilang uri ng pamahid na ilalagay sa ari ng lalaki ilang minuto bago makipagtalik. May posibilidad din daw na ang nasabing makabagong gamot ay maging lunas sa prostate cancer.

Kaya hayan, abangan na lang natin kung itong makabagong nadiskubre nilang gamot na tugon sa pagpapanumbalik ng pagkalalaki, ay maging kasing tagumpay tulad ng nadiskubreng gamot na Viagra.

327

Related posts

Leave a Comment