MAKONSENSYA NAWA MGA NASA GOBYERNO

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

ANONG pambobola pa ba ang sasabihin ng gobyerno para maluwag nang tanggapin ng abang Pilipino na hindi sila kinukulang sa pagkain kapag may higit 21 pesos silang budget sa isang kainan?

Eto, may boladas mula sa National Anti-Poverty Commission. Hindi raw sila masaya na ang pamilyang Pilipino ay mabubuhay lamang kada tao sa P64. Hindi raw ito ang pangarap ng NAPC.

Ayon kay NAPC Lead Convenor Secretary Lope Santos III, ang pangarap nila para sa mga Pilipino ay magkaroon ng kalidad na buhay at makabili ang mamamayan ng akmang pagkain batay sa kanilang pangangailangan na mayroong kalidad.

Naku po! Hindi nga nila ito pangarap dahil mahihirap naman nakalalasap.

Baka nabagbag ang kanilang damdamin sa pasakalyeng hahanguin sila sa kahirapan. Naku, nabagabag ata. Basahin nga natin ang ‘Isang Kaibigan’.

Sa totoo lang, marami ang hindi pa rin natutunawan sa datos ng National Economic and Development Authority (NEDA) na nagsabing P64 pababa ang dapat budget sa pagkain sa isang araw ng isang Pilipino para ituring siyang food poor o kinukulang sa pagkain.

Nakakaimpatso nga naman talaga ang wala sa hulog na tingin ng gobyerno sa estado ng mga Pinoy.

Kahit subukan, mahirap makamtan. Sa agahan, tanghalian at hapunan kapag higit P64 ang ginastos ng isang indibidwal ay hindi na siya food poor.

Malaking kalokohan. Kasya o hindi kaya? Ano ang panghahawakan sa sinabi ng NAPC na sa tingin nila ay maaabot ang target ng gobyerno na mapababa ang poverty incidence sa Pilipinas?

Nasa 16.4% daw ang inaasahang poverty incidence noong 2023 ngunit 15.5% ang nakamit. Dahil dito, ang target ng pamahalaan na maibaba ang antas ng kahirapan para maging single digit bago matapos ang termino ni Marcos ay maaabot.

Ang poverty incidence, ayon sa depinisyon ng Philippine Statistics Authority ay ang proporsyon ng mga Pilipino na ang per capita income ay hindi sapat para tustusan ang indibidwal na basic food at non-food na pangangailangan.

Gayunman, sang-ayon si Santos na ang P64 kada araw na threshold na ipinahiwatig ng NEDA ay dapat repasuhin.

Nagsabi na rin umano ang DSWD na kailangang tingnan at balikan ang datos upang ito ay magkaroon ng napapanahong pagtatasa, at ganyan din iyong pagtingin ng National Anti-Poverty Commission.

Nauna nang sinabi ng National Nutrition Council na hindi kasya ang P64 para makakuha ng sapat na nutrisyon.

Teka, paano matutupad ang pangarap ng NAPC na magkaroon ng kalidad ang buhay ng mahihirap? Dapat daw ay pagtulong-tulungan ng mga mas nakaaangat na pamilyang Pilipino, gayundin ng gobyerno at lipunan upang maiangat ang buhay ng kapwa pamilya.

Ganun? Baka ayuda uli puntirya. Eto pa isang nabagbag ang damdamin sa sinapit ng mahihirap: Inulit ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang plano ng ahensya na paigtingin ang mga programa at serbisyo na magiging kontribusyon sa layunin ng administrasyon ni Marcos na ibaba ang antas ng kahirapan sa single digit bago magtapos ang termino ng pangulo.

Base sa Family Income and Expenditure Survey (FIES), bumaba ang poverty incidence sa 15.5% o 17.54 milyong indibidwal noong 2023 mula 18.1% o 19.99 milyong pobre noong 2021.

Ayon kay Gatchalian ang 17.54 milyong mahihirap ay nasa 3.49 milyong pamilya na halos ay katumbas ng 4.4 milyong pamilya, na tumatanggap ng cash grants sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Eh ‘di 4Ps na lang ang pagtuunan ng pansin dahil sila na lang ang mahirap? Ay buhay. Tapos bibilisan na rin ang implementasyon ng Food Stamp program, na target na tulungan ang 1 milyong pamilya hanggang 2027.

Ayan, hindi titigil ang ahensya kaya marami silang mga bagong programang inilulunsad para lalong maabot sa mabilis na panahon ‘yung layunin ng Pangulo na single-digit poverty incidence sa 2028.

Sagad-sagarin na ang mga pangarap. Gawin nang zero poverty incidence nang hindi na maulit at magkaroon ng bagong bersyon ang P64 na budget sa pagkain.

Hindi kailangan ang siyensiya para arukin ang kalagayan ng mahihirap. Badyetan n’yo naman ng konsensya.

35

Related posts

Leave a Comment