Kung nagkakaroon man ngayon ng mga debate hinggil sa pagbabawal ni Pangulong Rodrigo Duterte sa paggamit at importasyon ng vape gadgets at juices at maging ang electronic cigarettes (e-cigarette), ito ay dahil sa malaking negosyo ang mga nabanggit na bisyo ng paninigarilyo.
Imported ang vape gadgets pati na ang juices pero kung tatanungin mo ang mga operator ng vape shops, sa flavored juices sila kumikita nang malaki dahil hindi kasama ito sa mga pinapatawan ng buwis ng Bureau of Customs.
Vape gadgets lang ang may tax kaya medyo may kamahalan ang vape gadget pero balewala ito sa vape users dahil tumatagal naman ang gadget at ang mabilis maubos ay ang vape juices depende sa kanilang gamit.
Iba ang gadget ng e-cigarette pero gumagamit din ito ng tinatawag na flavored liquid nicotine na sinasabing libre sa 7,000 nakasasamang kemikal na nasa ordinaryong sigarilyo. Pero ayon sa mga pag-aaral, naglalaman naman ang liquid nicotine ng ilang mga kemikal na nakasasama rin sa kalusugan.
Wala namang planong magsampa ng kaso sa hukuman ang Coalition of Asia Pacific Tobacco Harm Reduction Advocates na kumakatawan sa may 200,000 e-cigarette users dito sa Pilipinas.
Imbes na total ban, umaapela ang grupo na lagyan na lang ng regulasyon ang e-cigarettes partikular sa pagpapataw ng karampatang buwis sa mga imported flavored liquid nicotine. Ganito rin ang posisyon ng Philippine E-cigarette Industry Association, Vapers Alliance at Nicotine Consumers Union of the Philippines.
Noong Hulyo, naglabas ng Administrative Order No. 2019-0007 ang Department of Health na naglalagay ng regulasyon sa maximum allowable nicotine content sa e-cigarette “juice” na dapat ay 20 milligrams per milliliter.
Ang nasabing DOH order ay nagbigay din ng awtorisasyon sa Food and Drug Administration na “impose a ban on flavors and additives that are proven or suspected to be appealing to the youth, toxic, harmful, addictive or sensitizing.”
Hindi naipatupad ng DOH at FDA ang naturang order dahil pinatigil sila ng Manila at Pasig Regional Trial Court matapos makakuha ng temporary restraining order (TRO) ang kompanyang Green Puff at isang Ryan Sazon na parehong importer at distributor ng e-cigarettes. Kontra ang dalawang petitioner sa pag-regulate ng DOH sa nicotine at flavor ng kanilang ibinebentang liquid nicotine.
Ito marahil ang basehan ni Pangulong Duterte sa kanyang babala sa hudikatura na huwag makialam sa kanyang utos na nagbabawal sa importasyon at pagbebenta ng vape at e-cigarettes. Para kay Pangulong Duterte, walang tax na binabayaran ang importer ng e-cigarettes at vape gadgets kumpara sa mga manufacturer ng ordinaryong sigarilyo na malinaw kung magkano ang buwis na binabayaran sa gobyerno. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)
150