MALALIM ANG DAHILAN SA PAG-DECLINE SA AUTOMATIC NOMINATION

PRO HAC VICE

Ayon sa source ng inyong lingkod na naramdaman o batid ng justices na wala nang pag-asa na pipiliin sila ng Malacañang kaya iniurong na nila ang kanilang automatic nomination.

Paliwanag ng source na sa limang nominado ay dalawa sa kanila ay tinaguriang dilawan, o naitalaga ng dating administrasyon kaya malabong italaga sila ni Pangulong Duterte bilang susunod na chief justice (CJ) ng Supreme Court (SC) na ipapalit kay CJ Lucas Bersamin na magreretiro sa Oktubre 18, 2019, na bukod sa dilawan ang isa sa kanila ay may kaparehong problema ni Atty. Ma. Lourdes Sereno kung kaya’t kinasuhan ito ng quo warranto.

Ang isa naman ay hayagan ang pagkontra sa administrasyong Duterte kaugnay ng usapin sa West Philippine Sea ito’y bukod pa sa kulang na sa panahon ang kanyang pananatili sa SC.

Samantala bagama’t hindi nag-decline ng kanilang automatic nomination ang dalawa sa limang justices ng SC ay mukhang malabo rin daw maitalagang susunod na CJ ang mga ito, dahil ang isa sa kanila ay bumoto pabor kay Atty. Ma. Lourdes Sereno sa quo warranto case na kinakaharap nito noon na isinampa naman ng Office of the Solicitor General.

Ang problema naman ng isa pang justice na nominado rin sa posisyon ng punong mahistrado ay hindi siya type ng mga kasamahan ni Pangulong Duterte sa pinagmulang law school nito dahil sa pagiging hot and cold nito, ibig sabihin na hindi puwedeng panghawakan ang pangako.

Kaugnay ng naturang kaganapan ay posible umanong pagbigyan ni Pangulong Duterte ang iba pang aspirante sa naturang posisyon.

Isa naman sa naghain ng kanyang aplikasyon para sa naturang posisyon ay si SC Associate Justice Andres Reyes na kung papalaring makasama sa shortlist ng Judicial and Bar Council ay baka pagbigyan ni Pangulong Duterte na maglingkod ito bilang punong mahistrado ng SC sa loob ng pitong buwan bago abutin ang mandatory retirement na 70 years old. (Pro Hac Vice/ BERT MOZO)

129

Related posts

Leave a Comment