MALALIM NA PAGKATAO NG PAMILYA GUO

RAPIDO NI PATRICK TULFO

MARAMING katanungan ang nais kong masagot sana sa ginanap na pagdinig sa Senado nitong Martes matapos mahuli sa Indonesia ang kapatid ni Alice Guo na si Shiela Guo kasama ang may-ari ng POGO sa Porac, Pampanga na si Katherine Cassandra Ong.

Inamin ni Shiela Guo na dumating siya sa bansa noong 2001 nang dalhin siya ng kanyang “foster father” o umampon sa kanya na si Jiang Zhong Guo (ama ni Alice Guo). Ibinigay umano sa kanya ng matandang Guo ang kanyang Philippine passport at birth certificate at sinabing iyon na ang kanyang pangalang gagamitin at hindi na ang Chinese name nito na Zhang Mier.

Napaisip tuloy ako na maaaring sangkot ang matandang Guo sa human trafficking sa bansa. Maaaring nagpapasok siya ng Chinese nationals upang pagtrabahuin sa Pilipinas at papalitan ang mga pangalan upang maging lehitimong mga Pinoy.

Mukhang malaking pera ang kinita ng mga contact ng sindikatong kinaaaniban nitong si Mr. Guo kaya’t mabilis na nakakukuha ng mga dokumento ang Chinese nationals.

Ang pamilya Guo ay maaaring isang maliit na bahagi lamang ng sindikato ng POGO sa bansa. Maaaring ang iba pang kaanib ng kanilang sindikato ay patuloy na nasa bansa at gumagalaw sa tulong ng kanilang mga koneksyon sa pulitika.

Kailangang pigain pa ng Senado si Shiela Guo na sa tingin ko ay hindi nagsasabi ng totoo na wala siyang alam sa operasyon ng POGO. Ito ay nang mabunyag na ilang beses nang lumabas sa bansa itong mga Guo kasama ang sinasabing girlfriend umano ni Wesley Guo na si Katherine Cassandra Ong na may-ari ng POGO sa Porac, Pampanga.

43

Related posts

Leave a Comment