MALAMIG NA SOLUSYON SA MAINIT NA SITWASYON

MAAARING suspendihin ang F2F classes, at sa halip ay magpatupad ng modular distance learning sa gitna ng nararanasang mainit na panahon at power outage. Ito lamang ang tugon ng Department of Education (DepEd) sa lumalalang kondisyon na may malaking banta sa kalusugan ng mga mag-aaral at guro.

Paalala lamang ang ginagawa ng kagawaran, na ang aksyon ay maituturing na pag-iwas sa obligasyon dahil ipinasa sa mga school head ang diskresyon.

Nangangahulugan na bahala ang mga school head kung magsususpinde o hindi. Matibay at tiyak na tagubilin ang dapat na ipunto ng DepEd nang hindi nag-aalangan ang mga pinuno ng eskuwelahan sa kung ano ang ipatutupad.

At gaya ng nakagawiang pananabla, initsapuwera ng DepEd ang mungkahing maglagay ng air-conditioner sa mga pampublikong paaralan upang maibsan ang nararanasang matinding temperatura dulot ng dry season.

Ayon sa DepEd, napakarami pang dapat pagkagastusan.

Bakit ba mahirap gastusan ang pangangailangan ng mga pag-asa ng bayan?

Kung ang inuuna ng kagawaran na tugunan ay ang kakulangan ng classrooms hindi mabigat na problema ang init ng panahon dahil hindi magsisiksikan ang mga estudyante. Kung may mga pagitan at may mga electric fan ay hindi na magagambala ang kanilang pag-aaral.

Maaari naman isantabi muna ang sinasabing ibang bagay na pagkakagastusan at isingit at unahin ang paglalagay ng air-condition dahil ito ang mahalaga at kailangang agapan. Sabagay magastos ang aircon at baka ipasa pa sa mga magulang ang dagdag gastos.

Hindi naman kasing epektibo ng F2F kaya atubili ang school heads na ipatupad ang modular distance learning dahil makokompromiso ang dapat matutunan ng mga mag-aaral.

Iginigiit ng DepEd ang mga paghihigpit sa badyet. May mga alternatibo umanong paraan upang magpatuloy ang mga klase sa kabila ng mainit na panahon.

Ang “bahala na ang mga school head” lang naman ang naisipang paraan ng kagawaran, na ayaw tumanggap ng mga suhestyon o mungkahi.

Kaya isasantabi na rin siguro ang panukala ng isang grupo na iksian ang klase at payagan ang mga guro na magsuot ng komportableng damit na disente pa rin.

Ang karaniwang ginagawa ng nasa pamahalaan ay saka kikilos kapag may epekto na ang isang kondisyon, sitwasyon at problema.

Sana agapan at kontrolin muna ang sitwasyon sa pamamagitan ng paghahanda sa mga nagbabadyang suliranin.

Hihintayin pa bang umabot ang heat index sa klasipikasyon na “extreme danger” bago seryosohin ang mga panawagan?

Kalikasan na mismo ang nagtuturo sa kagawaran na ibalik sa lumang kalendaryo ang school year.

Mas alam ng kalikasan ang kalakaran sa kapaligiran kumpara sa dunong ng mga indibidwal.

750

Related posts

Leave a Comment