MALANSANG POLISIYA

SA paandar ng Chinese ­Embassy kaugnay ng ani­la’y pagiging top importer ng China ng mga isdang bingwit ng mga mangingisdang Pilipino, biglang nalagay sa alanganin ang paandar ng Department of Agriculture (DA) na nagsa­bing kapos ang ating suplay ng isda sa mga pamilihan.

Sino ba naman kasi ang maniniwalang kinakapos ng isda ang Pilipinas gayong napapalibutan tayo ng malawak na pangisdaan. Mantakin mong 7,101 isla mayroon ang Pilipinas at ang bawat isla, napapaligiran ng malawak na pangisdaan.

Ayon sa embahada ng mga Tsino sa bansa, pumalo sa halos $100 milyon ang halaga ng yamang dagat na binili nila mula sa Pilipinas mula Enero hanggang Disyembre ng nakaraang taon. Kaya naman anila, number one silang importer ng ating isda.

Sa datos ng gobyerno, lumalabas na higit pa sa doble ang ibinenta nating yamang dagat sa mga Tsino. Bukod sa China, nakapag-export din tayo ng malaking bahagi ng ating yamang dagat sa mga karatig bansa.

Pagsama-samahin man ang kabuuang dami ng mga ibinentang isda sa mga karatig bansa, lumalabas na 28.9% lang ang nabawas sa ating suplay na labis pa sa demand ng lokal na merkado.

Sa kabila nito, pinagpipilitan ng DA na kailangang punuan ang anila’y shortage ng isda sa mga pamilihang bayan. Ang kanilang solusyon – umangkat sa mga bansang China.

Sa isang banda, posib-leng kinakapos tayo – pero hindi ng isda kundi ng malawak na pangisdaan sa gawing bahaging sakop ng West Philippine Sea. Kasi naman, mistulang teritoryong eksklusibo lang sa mga Tsino ang mga karagatang batay sa desisyon ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ay pasok sa exclusive economic zone ng bansang Pilipinas.

Kung ako ang tatanungin, ang pag-angkat ng isdang huli ng mga Tsino sa ating karagatan ay mistulang katangahan kundi man dikta ng kung sino sa Palasyo. Dangan naman kasi, para tayong iginigisa sa ating sariling mantika.

Ang aangkating isdang huli sa karagatan natin, tila sa atin pa ibebenta.

Ang malinaw, walang shortage ng yamang dagat. Pera-perang diskarte sa pagitan ng mga tiwali at mga importer ang pag-angkat ng 60,000 tonelada ng galunggong.

76

Related posts

Leave a Comment