MASARAP isipin na hanggang ngayon ay marami pa rin sa mga Filipino ang nananatiling may malasakit sa kanyang kapwa.
Kamakailan, tumawag sa inyong lingkod ang isa sa ating kaibigan na si Dr. Dionel Tubera, ng Quezon City na nagtatanong kung may alam daw ba akong evacuation center na pwedeng pagdalhan ng relief goods dahil nakikita raw niya sa aking Facebook posts na pabalik-balik ako sa Batangas at Cavite upang mag-cover hindi lang para sa relief goods distribution subalit maging sa pagmomonitor ng kaligtasan ng mga tao.
Dahil batid kong mabuti ang hangarin ng kaibigan nating si Dr. Tubera, hindi nagdalawang-isip ang PUNA na irekomenda ang evacuation center sa Magallanes, Cavite.
Mabilis na nakipag-ugnayan ang manunulat na ito sa alkalde ng Magallanes na si Mayor Jasmin Angeli Maligaya Bautista sa pamamagitan ng text messaging at hindi naman nagtagal ay kaagad na sumagot ang isa sa maganda at mahusay na alkalde sa lalawigan ng Cavite.
Ayon sa mayora, bagaman 4th class municipality ang kanyang bayan, hindi sila tumatanggi sa mga dumarating na bakwit na ma-tinding naapektuhan nang pagsabog ng Bulkang Taal.
Nakikita ng PUNA sa ating mga kaibigang sina Mayor Bautista at Dr. Dionel at asawang Ochie Tubera na pawang malinis ang kanilang intensyon at bukas ang kanilang puso sa pagtulong kung kaya naman hindi rin tayo nagkait ng tulong na maging daan upang makapamigay ng mga pangangailangan ng mga apektado ng kalamidad.
Bagaman maliit lang ang negosyo nina Dr. Tubera, hindi ang mga ito nagkait ng tulong tulad nang pamamahagi ng kumot, damit, banig at iba pa na umabot sa dalawang(2) truck ang kanilang dinala sa Magallanes, Cavite.
Itinuring na ng mag-asawang Tubera na bahagi ng kanilang ‘social responsibility’ ang pama-mahagi ng tulong sa mga nangangailangan subalit iyon naman ay sa abot ng kanilang makakaya.
Sana, lahat ay katulad nina Mayor Bautista at Dr. and Mrs. Dionel Tubera para maramdaman ng ating mga kababayan ang pagkalinga at pagmamahal ng kanilang mga kapwa.
Huwag sanang pamarisan ang chairman ng Barangay 7 sa Tanauan, Batangas na ginawang requirement ang kanyang pir-ma bago makakuha ng relief goods ang mga bakwit.
Sa madaling salita, umaandar ang palakasan. Nakakahiya ka naman Kupitan este Kapitan, Batangueño ka ba? Kasi alam ko diyan sa Batangas ay ‘maubos na ang yaman, huwag lang ang yabang’ kaya bihira sa Batangueño ang korap.
Mas iniisip ng mga taga-Batangas ang makatulong kaysa magsamantala. Malamang, hindi ka totoong Batangueño. Kasi kami sa Batangas ay mapuputi ang budhi eh bakit ikaw ay maitim? Hindi kaya sagad hanggang buto ang kaitiman ng budhi mo?
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com (PUNA / JOEL AMONGO)
282