MALAWAKANG BANTA NG DEPRESYON

KUNG pagbabatayan ang datos ng Department of Health (DOH), hindi biro ang pagtaas ng bilang ng mga Pilipino na dumaranas ng depresyon.

Ayon mismo sa DOH, nasa 3.6 milyong Pinoy ang dumaranas ng depresyon dulot ng kahirapan, gutom, problema sa pamilya, domestic violence, diskriminasyon at iba pa.

Ang masaklap, walang sapat na pasilidad ang pamahalaan para matugunan ang lumalalang suliranin ng lipunan, kaya naman marami sa mga Pinoy, pinili na lang wakasan ang problema sa pinakamadaling paraan – ang pagpapatiwakal.

Pag-amin ng kagawaran, posibleng higit pa sa 3.6 milyon ang dami ng mga Pinoy na dumaranas ng depresyon dahil maliit na bahagi lang sa naturang bilang ang nagpapakonsulta at nabibigyan ng karampatang lunas.

Bagamat may mga pribadong institusyong dalubhasa sa usapin ng ‘mental health,’ hindi lahat ay may kakayahang tustusan ang mataas na singil sa gamutan.

Kamakailan lang, nag-ingay sa social media ang mga pamilya hinggil sa ‘di umano’y hindi makatarungang singil at mapanikil na sistema ng private mental health care institutions.

Sa isang banda, tama naman ang private mental health care institutions kung ang pagbabatayan ay ang “Law of Supply and Demand” – tumataas ang presyo sa tuwing sumisipa ang demand. Sa dami ng nangangailangan ng kanilang serbisyo, kontrolado nila ang singil sa kanilang tinatawag na serbisyo.

Makatwiran ba ang P39,000 minimum charge ng isang pasilidad na nakabase sa Binangonan, Rizal sa kanilang mga pasyente? Ayon kay Senador Bong Go na tumatayong chairman ng Senate Committee on Health – HINDI!

Kung hindi agad mabibigyan ng aksyon ng DOH Calabarzon Regional Office (sa pamumuno ni Dr. Ariel Valencia) ang dulog ng mga pamilyang nagrereklamo, marapat sigurong talupan sa Senado ang tila pagsasamantala ng ilang private mental health institutions.

179

Related posts

Leave a Comment