MALAWAKANG REVAMP SA PNP BUNSOD NG ‘NINJA COPS’ SCANDAL

SIDEBAR

Walang duda na ang pagkakasangkot sa Pampanga “ninja cops” ni Gen. Oscar Albayalde na nagresulta sa kanyang maagang pagbibitiw bilang chief ng Philippine National Police ay nagdulot ng matinding demoralisasyon sa hanay ng kapulisan at mismong si Pangulong Duterte ay sobrang dismayado sa pangyayari.

Nagkaroon ng joint command conference ang PNP at Armed Forces of the Philippines noong Oktubre 15 at mismanage si Pangulong Duterte bilang commander-in-chief ang nag-preside sa komperensya at dito niya inilabas ang kanyang galit at disgusto sa nangyaring eskandalo sa PNP kung saan mismong PNP chief ay sabit sa “Pampanga ninja cops”.

Ang pangulo mismo ang nagbigay ng go-signal sa pagkakaroon ng malawakang revamp sa PNP hindi lang para muling itaas ang morale ng kapulisan kundi para ipakita rin sa publiko na tuluy-tuloy ang cleansing process sa PNP at isang hakbang tungo rito ang balasahan sa hanay ng mga heneral.

Officer-in-Charge pa lang ng PNP si Lt. Gen. Archie Gamboa pero sa kabila nito ay ipinatupad niya ang pinakamalaking revamp sa pambansang pulisya na huling nakita noong 1993 matapos i-pag-utos ng noo’y Interior Secretary Rafael Alunan III ang malawakang sibakan ng senior officers matapos magbitiw bilang PNP chief si Gen. Cesar Nazareno.

Maliit na grupo lang ang kinonsulta ni Gen. Gamboa hinggil sa malakihang revamp. Kabilang sa kanyang pinulong noong Oktubre 18 at 19 (tatlong araw pagkatapos ng command conference) sina Maj. Gen. Lyndon Cubos ng Directorate for Personnel and Record Management (DPRM), Maj. Gen. Jovic Ramos ng Directorate for Comptrollership (DC), Chief of the Directorial Staff Maj. Gen. Guillermo Eleazar at Maj. Gen. Benigno Durana ng Directorate for Police Community Relations (DPCR).

Kaklase ni Gamboa sina Cubos at Ramos sa Philippine Military Academy kung saan sila mi-yembro ng PMA Sinagtala Class of 1986 na siyang itinuturing na ruling class ngayon sa PNP at maging sa AFP. Si Eleazar ay miyembro ng PMA Hinirang Class of 1987 samantalang si Durana ay miyembro ng PMA Maringal Class of 1988.

Apektado ng isinagawang revamp ang 20 heneral at dalawang koronel at inaasahang may mga magaganap pang balasahan sa mga susunod na buwan para mapanumbalik ng PNP ang tiwala ng publiko sa pambansang pulisya.

Ito ang paliwanag ni Gen. Gamboa: “We admit that the recent controversy has shaken the institution at its core. Not only has it caused displeasure from our President but some doubts on our capability and resolve to serve and protect the people. These are extraordinary times that call for extraordinary measures.”

Sang-ayon tayo sa pahayag na ito ni OIC Gamboa at kailangang magpatuloy ang internal cleansing sa PNP dahil marami pa ring mga “ninja cops” ang nakapaloob sa organisasyon at nagbibigay ng masamang imahe sa pulisya. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

356

Related posts

Leave a Comment