PRO HAC VICE Ni BERT MOZO
TINUKOY na si dating Bureau of Corrections (BUCOR) Director General Gerald Bantag bilang principal suspect sa pagpatay kay Jun Villamor, ang sinasabing middleman sa pagpaslang sa broadcaster na si Percival Mabasa o Percy Lapid.
Gayunpaman, hindi pa rin maituturing na mastermind sa kaso si DG Bantag at iba pa hanggat hindi ito napatutunayan ng hukuman.
Samantala, nilinaw ni Secretary of Justice (SOJ) Jesus Crispin “Boying” Remulla na sa kasong 2 counts of murder na isinampa sa Department of Justice (DOJ), ay patungo o tumutukoy ang lahat kay Suspended BUCOR DG Gerald Bantag bilang principal suspect sa pagpaslang kina Jun Villamor at Percy Lapid, at kasama rin dito si dating Senior Jail Officer 2 (SJO2) New Bilibid Prison (NBP) Sr. Supt. Ricardo Zulueta.
Kabilang din sa kinasuhan ang mga kumander ng grupo ng mga inmate na sina Aldrin Galicia ng Sputnik; Alvin Labra ng Batang City Jail, at Alfie Peñaredonda ng Happy go Lucky.
Lumalabas sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI), na inginuso ng tatlong kumander si DG Bantag na siyang nag-utos upang paslangin si Villamor.
Kung kaya’t pormal nang kinasuhan ng murder ng National Bureau of Investigation at Philippine National Police (PNP) sa Department of Justice, ang naturang mga suspek.
Ito ang ikalawang kasong murder na isinampa ng NBI at PNP sa DOJ na may kaugnayan o relasyon sa kaso ng pagpatay kay Percy Lapid.
Batay sa datos ng NBI at PNP, ang mga kinasuhan hinggil sa pamamaslang kay Percival Mabasa o Percy Lapid, ay sina BuCor Dir. Gen. Gerald Bantag, BuCor Dir. for Security and Opns. SSupt Ricardo Zulueta, bilang mga lider sa pamamagitan ng panghihikayat, o ‘principals by inducement’ para isagawa ang krimen.
Kasama rin sa inireklamo ang persons deprived of liberty (PDLs) na sina Denver Mayores, Alvin Labra, Aldrin Galicia, Alfie Peñaredonda bilang ‘principals by indispensable cooperation’.
Samantala, sa pagpatay naman kay Jun Villamor y Global, kinasuhan naman sina Bantag at Zulueta bilang ‘principals by inducement’.
Kabilang din ang PDLs na sina Labra, Galicia, Mario Alvarez, at Joseph Georfo bilang ‘principals by indispensable cooperation’.
Kasama rin ang PDLs na sina Christam Ramac, Ricky Salgado, Ronnie Dela Cruz, at Joel Reyes bilang ‘principals by direct participation’.
Ayon naman kay Senior Deputy State Prosecutor Richard Anthony Fadullon, posibleng bumuo sila ng panel na siyang magsasagawa ng preliminary investigation sa naturang mga kaso.
Matapos maisampa noong araw ng Lunes Nobyembre 7, 2022, ang ikalawang kaso laban sa mga suspek ay magkakasamang humarap sa itinakdang press conference sina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, NBI officer-in-charge Medardo De Lemos at PNP Chief Rodolfo Azurin.
