MARAMING BUHAY ANG NAILIGTAS NG “FACEMASK”

ITO ANG TOTOO Ni VIC V. VIZCOCHO JR.

NGAYONG pinapayagan na ang hindi pagsusuot ng “facemask” sa loob man o labas ng mga gusali, marami ang nagbubunyi.

Ito Ang Totoo: Kahit na noong ipinaiiral pa ang ­pagsusuot ng “facemask”, marami rin ang ­pasaway na nagpapalusot, kung hindi talagang walang suot, meron nga pero ang ­pagkakasuot ay hindi tama, kung hindi ­nakalabas ang ilong, sa leeg lang ­nakapatong.

Pero sa dami ng ­nabakunahan na at may ­”booster” pa, hindi na inaasahan ngayon ang ­matinding epekto ng COVID-19 kaya may katwiran na ang pagsusuot ng “facemask” ay hindi na sapilitan o “mandatory”.

Ito Ang Totoo: Maraming negosyo, lalo na sa larangan ng turismo, ang nais nang makabawi sa mga nawalang pagkakataon sa nakalipas na dalawang-taong pandemya.

Kaya kahit na may COVID-19 pa, gusto nang lumarga lalo na at magpa-pasko pa, sa­yang nga naman ang kikitaing sandamakmak na pera.

Ito Ang Totoo: Hindi lang sakit dala ng Covid-19 ang nakahahawa.

Ang trangkaso, hepatitis, TB o tuberculosis ay ilan lang sa mga sakit na nakahahawa pero maaaring maiwasan sa pamamagitan ng pagsusuot ng “facemask.”

Hindi naman siguro para sa lahat pero iyong may tama na ng tulad ng mga nabanggit, makatutulong ang pagsusuot ng “facemask” para maiwasang makahawa.

Ito Ang Totoo: Iyong “food handlers” tulad ng waiter, ­waitress o “food server” ay maaaring pagsuotin ng “facemask” kahit na ang natatakpan ay bibig lamang para maiwasan na talsikan ng kanilang laway ang inihahaing pagkain o inumin na manghahawa ng iba kung may sakit sila.

Bagama’t may “medical check-up” ang “food handlers” kung nagpapa-check-up nga, sino ba ang may gusto na ang pagkaing inihahain sa iyo ay may laway ng kung sino?

At hindi lahat ng resto at kainan ay sumusunod sa patakaran, lalo na ang mga pwestong pang-masa dahil nga “informal” ang negosyo nila. Kung may pa-medical pa, lalaki ang gastos o puhunan kaya tataas rin ang presyo ng paninda na kapag nagkaganoon ay hindi na abot-kaya ng masa.

Hindi masama ang pagsuot ng “mask” at may mga pagkakataong dapat pa rin itong isuot, depende sa kalagayan ng kalusugan o trabahong ginagampanan.

Huwag natin kalimutan na nitong dalawang taong pandemya, dahil sa “facemask’ ay maraming buhay ang nailigtas sa kapahamakan. Huwag itong kasuklaman. Ito Ang Totoo!

17

Related posts

Leave a Comment