MARAMING PROBLEMA SA LTO

DPA Bernard taguinod

HINDI lang driver’s license ang iniimprenta na lang Land Transportation Office (LTO) sa papel kundi maging ang registration ng sasakyan dahil naubos na raw ang kanilang supply.

Kabilang sa mga binabayaran natin kapag nagrerehistro tayo ng sasakyan kada taon ay yung kuwadrado, makapal-kapal at kulay dilaw na registration certificate pero iniimprenta na lang sa bond paper ang dokumentong ito.

Basta na lang ibibigay ‘yun sa mga nagpaparehistro at saka lang sasabihin sa ‘yo ang dahilan kung bakit sa bondpaper na lang iniimprenta kapag naglakas-loob kang magtanong.

Pansamantala lang daw naman ‘yun dahil wala na silang supply pero binayaran mo na ‘yun at wala silang sinasabi ng balikan mo ang original na certificate kapag meron nang supply kaya ibig sabihin, thank you na ‘yun at manalangin ka na lang na sa susunod na magpaparehistro ka ay hindi na nakaimprenta sa bond paper lang.

Mahalaga ang certificate dahil ito ang patunay na nakarehistro ang sasakyan mo at hindi ‘yun basta-basta nabubura kumpara sa bond paper na medyo malabo dahil baka nauubusan na rin ng tinta ang LTO.

Pati nga ‘yung papel na ibinibigay sa ‘yo na pi-fill-upan mo kapag nagrehistro ka ng sasakyan ay halos hindi na mabasa dahil parang nagtipid ang LTO at halatang Xerox lang at ang Xerox machine na ginamit ay lumang-luma na siguro kaya maraming letra ang hindi na nababasa.

Nakalagay nga ang katagang “not for sale” pero hindi nababasa ang mga letra kaya hindi mo alam kung sinasadya ba talaga ito para pahirapan ang mga tao na kung itrato ng ilang LTO employees ay parang hindi taxpayers.

Kapag naipasa siguro ang isang panukalang batas na anti-suplado bill, malamang maraming taga-LTO ang madadale dahil ako mismo ay nasaksihan ko kung papaano sinusungitan ng ilang empleyado sa LTO La-Loma ang kanilang mga kliyente.

Parang bawal magtanong sa ilang empleyado dyan dahil pasinghal kung sila ay sumagot na parang walang respeto sa tao.

Kapag tanghali na hanggang hapon ay marami na ang mainit ang ulo sa kanila at hindi iniisip na mas mainit ang ulo ng kanilang mga kliyente na hindi pa kumakain dahil sa kahihintay na lumabas ang kanilang papel.

‘Yung gater naman kung makasigaw sa mga tao ay parang mga palamunin niya kaya kapag naipasa ang panukalang anti-sungit bill ay malamang maraming LTO employees ang masasampulan.

Sana maipasa ang panukalang ito dahil marami sa mga taga-gobyerno ang walang good manners and right conduct. Hindi marunong makipagkapwa tao ang marami sa government employees, hindi lamang sa LTO kundi sa halos lahat ng ahensya ng gobyerno.

Kahit may anti-red tape employees na natambay sa mga ahensya ng gobyerno, wala ring silbi dahil magkakakilala na ang mga ‘yan eh.

Teka, paano kapag hinanahap ang driver’s license ng mga tsuper, ‘yung nakatuping papel ang kanilang ibibigay? Paano kung mabasa at napunit dahil sa pagkakatupi? Kayo talaga sa LTO, parang wala kayong pinagkatandaan!

45

Related posts

Leave a Comment