NITONG nakalipas na isyu ay naging paksa natin ang KAPA Community International Ministry Inc. na isiniwalat ni Puwersa ng Bayaning Atleta Party-list Rep. Jericho Nograles. Nabanggit natin na ang raket ng grupo na pyramiding ay gaya ng ginawang panggagantso ng Aman Futures ni Manuel Amalilio.
Gaya kasi ng Aman Futures, itong KAPA ay nagsi-mula rin sa Mindanao. Nagtataka tayo tuloy kung bakit tila napakarami sa ating mga kababayan sa Mindanao ang madaling mabuyo sa mga ganitong klase ng scam.
Ang mali natin ay ang akalang mas malaki ang Aman Futures na nambiktima ng mahigit 15,000 katao at tumangay ng P12 bilyon. Napag-alaman kasi natin na mas malaki at mas malawak ang sakop ng KAPA.
Ang mas masaklap pa nito ay tila mahihirapan na ang mga biktima na bawiin ang kanilang salapi na ibi-nigay sa KAPA.
Matindi ang modus nitong KAPA at mukhang alam na alam na ng mastermind nitong si Joel Apolinario kung paano malusutan ang batas. Sa halip kasi na gamitin ang salitang investment na maaaring maging batayan para pasok bilang isang uri ng investment fraud ay “donation” ang ginamit na termino sa perang inilalagak ng kanilang mga naloloko.
At dahil nga ito ay “donation”, lumalabas na bo-luntaryong ipinamudmod ng mga biktima ang kanilang pera kay Apolinario. At dahil nga boluntaryo ito na isang donasyon, may lusot si Apolinario sa kasong large-scale estafa na isang unbailable offense.
In short kapag nagdesisyon na si Apolinario na takbuhan ang kanyang mga “donors” gaya ng ginawa ni Amalilio, sa tambol mayor na lang maaaring maghabol ang kanilang mga kawawang biktima.
Maging ang General Santos City Chamber of Commerce ay nanindigan na rin tungkol sa kalokohan ng KAPA at naglabas na rin ito ng mga babala tungkol sa scam ng naturang grupo.
Hinihintay na lang din natin ang mas malinaw na aksyon mula sa National Bureau of Investigation (NBI) na balita natin ay tahimik ding nagsasagawa ng imbestigasyon. Sana lang ay maging mas mabilis ang pagkilos ng NBI dahil kapag nagkataon ay baka makalabas rin sa bansa itong si Apolinario na gaya ng nangyari kay Amalilio. (Bagwis / GIL BUGAOISAN)
242