MAS MARAMING PINOY AYAW SA PHASE-OUT NG TRADITIONAL JEEPNEY

PUNA ni JOEL O. AMONGO

LUMABAS sa survey kamakailan na isinagawa ng ISSUES & ADVOCACY CENTER kung payag ba o hindi ang mga Pilipino sa pag-phase-out o pag-alis sa traditional jeepney sa mga kalsada, na mas maraming Pinoy ang ayaw palitan ito ng modern jeepney (mini bus).

Sa Table 3 survey sa PULSO NG BAYAN ng ISSUES & ADVOCACY CENTER na nagsimula noong Nobyembre 27 hanggang Disyembre 4, 2023, mas maraming mga Pinoy ang ayaw sa plano ng gobyerno sa pag-phase-out ng traditional jeepney.

Nakapagtala ng 48% para sa DO NOT AGREE o HINDI PAYAG; nasa 37% sa AGREE o PAYAG; at 15% sa DON’T KNOW o HINDI KO ALAM para sa nasabing phase-out.

Ang survey ay sa pamamagitan ng pagtatanong sa 1,200 katao na kumatawan sa 63 milyong mga Pinoy sa buong bansa.

Matatandaan, itinakda na hanggang Disyembre 31, 2023 na lamang mananatili sa mga lansangan sa buong bansa ang traditional jeepney kung kaya’t kinakailangan nang sumapi sa mga kooperatiba ang mga tsuper nito.

Bago umano maging kwalipikado ang isang tsuper para makakuha o makautang ng modern jeepney ay kailangan niyang sumapi sa kooperatiba.

Ang pagsali sa kooperatiba ay isa sa pangunahing inaayawan ng mga tsuper ng traditional jeepney.

Mawawalan din umano ng prangkisa ang driver/operator ng traditional jeepney dahil iisa na lang ang gagamitin nitong prangkisa sa lahat ng unit na nakapailalim sa kooperatiba.

Problema rin kung paano nila mababayaran ang sobrang mahal na bawat unit ng modern jeepney na nagkakahalaga ng P1.5M hanggang P2M.

“Bago nga ang modern jeepney eh, sobrang mahal naman ng presyo nito, saan naman kami kukuha ng pambabayad namin dyan?” dagdag pa ng isang tsuper na nakapanayam ng PUNA.

“Kung tutuusin sa halaga na ‘yan, mahigit kumulang na 6 na traditional jeepney ang aming mabibili,” banggit pa niya.

Kung ako ang tatanungin ay hindi rin ako sang-ayon na alisin ang traditional jeepney, dahil parang pinatay na ng gobyerno ang mga tsuper dahil mawawalan sila ng kanilang pinagkakakitaan.

Bakit hindi na lang tulungan ng gobyerno ang mga tsuper na pagandahin ang kanilang mga traditional jeepney para maging komportable ito sa mga pasahero.

Higpitan din sila (tsuper) at huwag payagan na siksikin na parang mga sardinas ang mga pasahero sa loob ng kanilang mga traditional jeepney.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

462

Related posts

Leave a Comment