MAS MATAAS ANG PRESYO NG KURYENTE SA LALAWIGAN KAYSA PRESYO NG MERALCO

MY POINT OF BREW Ni JERA SISON

EH ano ang pinuputok ng butse ng mga militante at umano’y consumer groups na walang ginawa kundi batikusin ang Meralco na mataas daw ang kanilang singil sa kuryente? Aba’y ‘di hamak na mas mataas pala ang presyo ng kuryente sa ibang lalawigan kung ating ­ihahambing sa Metro Manila. Hindi lang ‘yan, mataas na nga ang singil sa kuryente sa lalawigan, panay pa ang brownout sa kanila!

***

O, nasaan na ang Bayan Muna, Gabriela, NASECORE, Kuryente.Org, Power for People Coalition (P4P), Anak Pawis, Anak Bayan o Anak ng Pu**? Asan na kayo upang magreklamo laban sa mga electric cooperatives o iba pang power distributors sa mga lalawigan sa nangyayaring pagmamalabis sa kanilang mga konsyumer dulot ng mataas na singil sa kuryente at malimit na brownout?

Nasaan na kayo?!

***

Umabot na sa Senado ang sentimyento ng mga konsyumer ng kuryente sa mga probinsya at lalawigan kung saan umaabot ng humigit kumulang P20 kada kilowatt hour (kWh) ang ­presyong binabayaran ng mga ito. ­Mariing tinuligsa ng Senado ang umano’y napakamahal na presyo ng ­kuryente sa ibang mga lalawigan matapos nilang ­malaman na ­halos kalahati lang ang ­bina-bayaran ng mga ­konsyumer sa Meralco.

***

Heto pa. Binigyang diin ni Senate President Juan Miguel Zubiri na lubhang mataas ang ­presyo ng kuryente sa Cagayan de Oro. Nakatanggap umano siya ng napakaraming reklamo mula sa mga negosyo sa probinsya ukol sa kasalukuyang presyo ng kuryente na nasa P14 kada kWh. Sa kanyang pagtantya, nasa humigit kumulang 34% na ang itinaas ng presyo sa probinsya simula taong 2022.

***

Minabuti ni Senate ­President Zubiri na pag-aralan ang ­sitwasyon kaya’t nagtanong-tanong siya sa iba pang electric cooperative
at nagulumihanan siya nang ­malaman na nasa P16 ­hanggang P18 kada kWh ang presyo ng kuryente sa ibang bahagi ng Mindanao samantalang nasa P9 kada kWh lamang ang presyo ng kuryente sa Metro Manila.

***

Nagbiro pa nga si Zubiri na naiinggit siya sa kapwa nito senador na si Sen. JV Ejercito dahil mas mababa ang binabayarang presyo ng kuryente nito. Aniya pareho silang may negosyo na industrial ice ngunit mas malaki tiyak ang kinikita ni Senator Ejercito kumpara sa kanya dahil sa presyo ng kuryente.

***

Pinuna rin ni Energy Committee Chairman Raffy Tulfo na napakaraming reklamo tungkol sa serbisyo ng mga kooperatiba ang kanyang natatanggap sa kanyang programa sa radyo tungkol sa talamak na brownout sa probinsya. Madalas na nga mawalan ng kuryente, dumadagdag pa sa pasakit ng mga konsyumer ang mataas na presyo ng kuryenteng binabayaran ng mga ito.

***

Nagpahayag din ng pagkadismaya si Senator Tulfo ukol sa uri ng serbisyong natatanggap ng mga konsyumer mula sa mga electric cooperative. Batay sa mga reklamong natatanggap nito, isa sa mga karaniwang reklamo ang mabilis daw na pamumutol ng serbisyo ng kuryente sakaling hindi makabayad sa tamang oras ang konsyumer. Samantala sa Meralco ay pumayag sa staggered payment ng kanilang customers na hindi makabayad dahil sa nangyari noong panahon na sumipa ang lockdown sa ating bansa dulot ng pandemya. Haller?!

***

Nakakabuhay ng kalooban na malaman na tinututukan ng Senado ang suliraning ito dahil isa itong malaking hadlang sa pangkalahatang pag-unlad ng bansa. Biruin nyo, nasa iisang bansa naman tayo ngunit tila maraming mga probinsya sa bansa ang para bang nasa panahon pa rin ng 90s kung saan mahal ang presyo ng kuryente at talamak ang matagalang brownout. Nawa’y mabigyan solusyon agad ito para sa kapakanan ng mga konsyumer.

***

Kaya nananawagan ako sa umano’y consumer groups at mga militanteng grupo na walang ginawa kundi batikusin ang Meralco. Tumingin at tuligsain ang ibang electric cooperatives at distribution utilities tungkol sa mataas na singil ng kuryente at hindi magandang serbisyo bukod sa Meralco, kung talagang malinis at tapat ang hangarin ninyo. Totoo ba talaga ang inyong adbokasiya sa kapakanan ng ating mga konsyumer? Baka masira ang reputasyon ninyo.

Related posts

Leave a Comment