MASAMANG DULOT NG HATERS

VIRAL ngayon sa social media ang isang pari sa kanyang magandang mensahe sa kanyang misa.

Naging sentro ng kanyang misa ay kaugnay sa haters o kaaway natin.

Ang mensaheng ito ni Fr. Jowel Jomarsus Gatus ay tugma sa nangyayari ngayong panahon ng eleksyon sa bansa.

Ayon sa kanya, ang haters ay nagdudulot ng karamdaman at pagkaparalisa sa tao kung ito ay bibigyan natin ng pansin.

Kahit anong gawin nating mabuti sa haters ay balewala sa kanila dahil sarado ang kanilang isip.

Kaya sabi ni Fr. Gatus, mas makabubuti na mag-focus tayo sa paggawa ng mabuti at gawin nating inspirasyon ang ating pamilya at supporters natin na naniniwala sa atin.

Dahil sa paggawa natin ng mabuti at pag-iwas sa ating ­haters, ito ang magbibigay ng lakas sa atin.

Ayon pa kay Fr. Gatus, tigilan natin na saktan ang ating mga sarili sa pagbibigay pansin sa ating haters.

Ang ganitong karanasan ay nangyari din kay Panginoong Hesus noong kapanahunan niya, na kahit anong gawin niyang mabuti ay hinahanapan pa rin siya ng mali ng mga eskriba at pariseo.

Sa pangyayaring ito ay makikita ang nasa panig ng mabuti at masama.

Sa mga nasa mabuti ay madali silang nakauunawa sa tao kung ano ang kanilang ginagawa.

Malaki man o maliit ang kabutihang ating nagawa sa ­kapwa ay iisa lang ‘yan sa pananaw ng ating Panginoon.

Sa haters, wala sa puso nila ang Panginoon dahil ang nananahan sa kanilang pagkatao ay poot sa kanilang dibdib.

Ito ang nangyayari ngayon sa ilang kandidato, wala silang ibang iniisip kundi masama laban sa kanilang katunggali.

Kahit na ang kanilang katunggali sa pulitika ay hindi naman nag-iisip sa kanila ng masama ay lagi silang nag-iisip laban dito.

Dito humahantong ang karahasan na hanggang sa kani-kanilang supporters ay umaabot ang bangayan.
Nito lamang nakaraang araw ay may karahasan na naganap sa ilang lugar sa bansa na pinaniniwalaang may kinalaman sa pulitika.

Ang tinutukoy natin ay ang nangyari sa Tangub City, ­Misamis Occidental na lumabas sa social media account ni Mayor Ando Oaminal, na habang nagbibigay ng mensahe si Cong. Henry Oaminal ay may namaril sa kanilang isinasagawang party.

Sa pamamaril na ito ay tinamaan sina Lopez Jaena Mayor Michael Gutierrez, nasa kritikal na kondisyon, at dating Oro­quieta Mayor Jason Almonte na hanggang sa ngayon ay nagpapagaling sa ospital.

Sa mga ganitong pangyayari na hindi nagiging patas ang ilang kandidato sa kanilang katunggali sa pulitika, ay hindi mawawala ang karahasan sa ating bansa.

Bagama’t mahigit sa apat na buwan pa bago maganap ang May 9, 2022 local and national elections ay mainit na ang mga magkakatunggali sa pulitika. Sana naman hindi na masundan pa ang karahasan sa Tangub City.

Isang araw lang po ang eleksyon, iwasan po natin ang mga karahasan.

Mas masarap mamuhay sa sariling bansa na tahimik.

Merry Christmas and Prosperous New Year!

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.

99

Related posts

Leave a Comment