MASANAY SA KAHIRAPAN

NAKADIKIT na lang sa Christmas card ang mensahe at ang mga sinserong pagbati ng Merry Christmas and a Prosperous New Year ay hindi na ­maramdaman dahil ang reyalidad ay hindi masaya at masagana ang maraming Pilipino.

Laging rason ang pagiging matibay ng mga Pilipino sa kahirapan, unos at ibang hamon, ­subalit hindi ito ­indikasyon na hanggang diyan na lamang sila sa pamantayang itinakda sa kanila ng mga nasa poder na ang kapakanan at ­ikaaangat ng buhay ng mga maralita ay dapat isinusulong.

Ilang araw na lang Pasko na. Kayod-kalabaw pa rin ang karamihan. ­Dumaraing sa biglang pitik ng taas-presyo ng mga bilihin. Puro ­hinaing pero hindi naiintindihan bakit mahirap pa rin sila kahit anong gawin. ­Nakagapos pa rin sa paniniwalang tadhana ang nagdetermina ng buhay nila.

Ngayong Pasko, labis pa sa daing ang ­sisirit, pero tulad ng dati, ­piping reklamo ang tunog. Hindi masama ang humingi ng magandang ­serbisyo mula sa gobyerno. Marapat ‘yan para sa mga Pilipino.

Kung paiiralin ang ekspresyong “masasanay ka rin”, inako n’yo na rin ang kinokondisyong ­halaga ng puwedeng pagkasyahin sa ­mahalagang salo-salo ngayong Pasko.

Hindi ‘yan serbisyo publiko. Mababa na ang tingin sa mga aba, na sa halip na pagsabihang magkasya sa ganitong halaga ay dapat hanapan ng paraan at tulungang makuha ang pangangailangan.

Solusyon, hindi suhestyon ang ­magandang aginaldo sa mga ­Pilipino.

30

Related posts

Leave a Comment