MASARAP NA MAHIRAP SA URBAN AREA

KAALAMAN Ni MIKE ROSARIO

KUNG papansinin natin, puno ng kahirapan sa urban area, ngunit sa lugar na ito ka makakikita ng mga taong punong-puno ng pangarap.

Dito ka makakikita ng mga tao na kahit walang maisaing ay ­napakaganda ng ngiti, mga tao na kahit pamasahe na lang ang natitira, ‘pag may bisita, ibibili ka nila ng kahit anong mamemeryenda.

Masaya sa lugar na ito, dala-dala nila ang ugaling Pilipino na sa mga probinsya mo lang makikita, bayanihan at kung ano- ano pa, may bigayan ng masarap na sabaw at pwede ka pa mangapitbahay para makikape.

Dito mo rin makikita ang mga simpleng achievement sa buhay na talagang matutuwa ang Panginoon dahil sa abot-abot na kanilang pasasalamat.

‘Yung dati na maliit na telebisyon, ngayon ay isa nang smart TV, ‘yung kubeta at lababo ay tiles na, ‘yung ‘pag dumating ang kaarawan (birthday) ay nakapaghahanda sila, may konting inuman at pagkain, para sa kanila ay napakalaking blessings na ang kanilang tinatamasa.

Ang bagay na mahirap makita sa mga taong mapaghangad, ay iyong saya sa bawat konting bagay na nakukuha. Masarap tumira sa urban area dahil marami kang matututunan dito.

Maraming pera sa urban area, ‘yan ang katotohanan dito, nagkataon lang na sanay na silang tumira sa ganitong lugar. Mga ordinaryong mamamayan pero lampas pa sa middle class ang kanilang kinikita, ang tindera’t tindero ng fishball ay kayang kumita ng higit sa P1,500 kada araw, depende sa pwesto.

Ang isang tindero ng buko na nagkakariton ay may kitang hindi bababa sa pitong daang piso, ang mga tindahan dito na maliliit na sari-sari store naman ay 24-oras na bukas dahil hindi na natutulog ang karamihan sa mga ganitong lugar.

Kaya naman umiikot ang hanapbuhay dito, dadating naman ang mga pahulugan ni Manong Bombay, paborito rin nila itong puntahan dahil ang mga tao rito ay mahilig sa hulugan, masarap mamuhay sa lugar na ito, malayo man sa kaalaman sa totoong pangyayari sa gobyerno.

Pero ang masakit, sila ang madalas na ginagamit o biktima sila lagi ng mga mapanlinlang na mga tao, lalapit ang mga politiko, ipangangako na ‘pag nanalo ay mapapasakanila ang kanilang mga tinitirhan na lupa… nang manalo si mayor, ‘di niya tutulungan kasi magagamit ulit sa susunod na election.

Kaya ‘di nauubos ang squatter sa Manila, eh, gagawin ni mayor, ‘pag nakakita siya ng lupang bakante at nalaman niyang nasa America ang may-ari o may kaso, kakausapin niya ang presidente ng mga urban poor, papupwestuhan niya ‘yung lugar, overnight at makikita mo rehistrado agad ang kanilang asosasyon sa tulong ni mayor.

Limang ektaryang lupa, napunta sa mga tao ang kalahati, napunta naman kay mayor ang iba, ang may-ari ng lupa, susunod na lang sa gustong presyo ni mayor, ‘pag ayaw niya, siguradong mahihirapan siyang magpaalis sa mga tao.

Mukhang imposible, pero nangyayari ‘yan, subukan niyong puntahan ang mga lugar na ‘yan, sila ang mga totoong laging nagagamit ng mga politiko at nakaupo sa pwesto. Kawawang mahihirap, laging nagagamit ng mga politiko.

oOo

Para sa mga suggestion at opinion, pls. contact cell# 0939-168-3316.

64

Related posts

Leave a Comment