MATAGALANG SOLUSYON

SA gitna nang walang humpay na ­dagdag-presyo ng mga produktong petrolyo, hindi maiwasang magprotesta ang mga tao. Dangan naman kasi, sa bawat paggalaw ng presyo ng krudo kada litro, kasunod nitong nagmamahal ang iba pang pangunahing bilihin sa merkado.

Noong dekada sitenta, welga sa hanay ng mga manggagawa, kilos protesta sa mga ­aktibista at tigil pasada naman sa mga ­tsuper at operators ng mga pampasaherong sasakyan ang karaniwang paraan para ­iparating ang bawat hinaing sa pamahalaan.

Sa paglipas ng panahon, unti-unting nawala ang proletaryo sa lansangan. May mga namundok at piniling tahakin ang landas ng armadong pakikibaka, mayroong niyakap ang sistema ng burukrasya kasabay ng paglahok sa pulitika at ang iba naman pini­ling huwag na lang makialam.

Nang pumalo sa sukdulan ang dagdag-presyo sa krudong karaniwang gamit ng pampublikong transportasyon, biglang na­buhay ang pakikibaka.

Banta ng mga tsuper, tigil-pasada. Sa isang banda, may katwiran naman ang kanilang pag-alma lalo pa’t pati baryang ­kanilang kinikita sa araw-araw na pamamasada, nauuwi pa sa wala. Ang ending – nganga!

Sadyang mahapdi sa marami ang kabi-kabilang pagtataas sa presyo ng mga bilihin, bunsod ng lingguhang dagdag-presyo sa mga produktong petrolyong posible pang pumalo sa P100 kada litro.

Tugon ng gobyerno sa himutok ng mga mamamayang Pilipino – baryang ayuda at kakarampot na subsidiya para sa benepisyaryong nasa limitadong talaan lang ng gobyerno. Ang panawagang suspensyon ng excise at value-added tax sa mga produktong petrolyo, kinontra pa ng economic ­managers ng Pangulo.

Ang totoo, kahit pa tanggalin ang buwis na kalakip ng langis, hindi sapat kumpara sa antas ng pagsirit. Gaano lang ba ang ­mababawas sa presyo ng krudo sa sandaling suspendihin ng pamahalaan ang oil excise tax? Sa tala ng mga ekonomista, P5 lang ang pinakamalaking mababawas sa presyo kada litro ng mga produktong petrolyong halos dumoble na ang halaga kumpara sa bentahan noong nakaraang taon.

Sa gitna ng lumalalang problemang tila walang angkop na solusyon, ano nga ba ang dapat gawin ng gobyerno?

Ang sagot – huwag umasa sa inaangkat na langis sa ibang bansa. Bagama’t mahabang proseso, angkop lang na simulan ang pagtataguyod at pagpapaunlad ng renewable energy program na matagal nang panawagan sa pamahalaan.

Hindi maampat ng band-aid solution ng gobyerno ang kabuhayang dinudugo ng mamamayang nais nang maghuramentado!

63

Related posts

Leave a Comment