PINANINIWALAAN ng mga Pilipino na lalo pang tataas ang magiging lamang ng boto ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. laban kay Leni Robredo matapos na pormal siyang iendorso ng Iglesia Ni Cristo (INC) kamakalawa.
Ang endorsement ng INC sa BBM-Sara UniTeam ay inanunsyo noong Martes (May 3, 2022) sa Net25 na kilalang pagmamay-ari ng Eagle Broadcasting Corporation (EBC) na kunektado sa INC.
Bukod kina BBM-Sara, inendorso rin ng INC ang senatoriables na sina Jojo Binay, Alan Peter Cayetano, JV Ejercito, Guillermo Eleazar, Chiz Escudero, Jinggoy Estrada, Sherwin Gatchalian, Loren Legarda, Robin Padilla, Joel Villanueva, Mark Villar, at Migz Zubiri.
Sa labing dalawang (12) senatoriables na inendorso ng INC, anim (6) sa mga ito ay mula sa BBM-Sara UniTeam na sina Jinggoy Estrada, Sherwin Gatchalian, Loren Legarda, Robin Padilla, Mark Villar at Migz Zubiri.
Dahil sa endorsong ito ng INC, asahan na natin na lalo pang lalaki ang agwat ng boto ni BBM laban kay Leni.
Bukod sa INC endorsement sa BBM-Sara UniTeam ay inendorso na rin sila ng El Shaddai sa pangunguna ng kanilang pinuno na si Mike Velarde, at ng Kingdom of Jesus Christ (KJC) sa pamumuno naman ni Pastor Apollo Quiboloy.
Ang INC ay may tatlong milyong (3M) miyembro na nakakalat sa 150 mga bansa sa buong mundo at kilala ito sa tinatawag na “bloc voting.”
May milyun-milyong miyembro din ang EL Shaddai at KJC sa iba’t ibang bansa sa buong mundo.
Sa April 16 hanggang 21, 2022 survey ng Pulse Asia ay nakapagtala si BBM ng 56%, samantala si Robredo ay may 23% lamang.
Sa buong bansa isinagawa ang survey sa 2,400 kinatawan mula 18-anyos at pataas na pawang mga botante.
Sa pinakabago namang inilabas na survey ng Laylo Report mula April 14 hanggang 20, 2022 ay lalo pang tumaas si BBM na nakapagtala ng 64% at nakakuha lamang si Leni ng 21%.
Dahil inihayag na ng INC ang kanilang suporta kay BBM kasunod, niyan ang lalo pang pagtaas ng kanyang survey ratings.
Kaya tama ang sinasabi ng mga political analyst na posibleng umabot pa ng 70% survey ratings ni BBM hanggang sa May 9 national and local elections.
Sa pagtaas ng survey ratings ni BBM, kasabay niyan ang pagtaas ng kanyang agwat ng boto kay Leni na posibleng umabot mula 20-30 milyon.
Sa kasaysayan ng Pilipinas, sa kauna-unahang pagkakataon ay si BBM ang tatawaging “majority president”.
Noong 1998 presidential election, sa survey ng SWS ay nanguna si Joseph “Erap” Estrada ng 39% laban kay Jose De Venecia na may 16%.
Sa resulta ng election ay nakapagtala si Erap ng 10,722,295 o 39.86% boto laban kay De Venecia na may 4,264,483 o 15.67%.
Ang 39% ni Erap sa SWS survey at sa 16% ni De Venecia ay may agwat na 23% na nagdala ng lamang ng una sa huli ng 6,457,812 boto.
Noong 2016 presidential election sa survey ng Pulse Asia, nakapagtala si Rodrigo Duterte ng 33% laban kay Grace Poe na may 22%.
Subalit paglabas ng resulta ng election ay nakakuha si Duterte ng 16,601,997 o 39.01% boto at nakapagtala si Poe ng 9,100,991 o 21.39%.
Mas mataas pa ang nakuha ni Mar Roxas na may 9,978,175 o 23.45% boto, subalit mas mababa ang kanyang survey kay Poe na may 22%.
Lumalabas na naging pangatlo lamang si Poe dahil ang pumangalawa kay Duterte ay si Roxas.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com at mag-text sa cell# 0919-259-59-07.
114