MATATAPOS NA ANG FIESTA NG MGA KRIMINAL

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

DEKADANG nagpista ng mga scammer gamit ang prepaid card at napakarami na nilang nabiktima pero kahit isa sa kanila ay walang naparusahan dahil hindi kilala ang kanilang pagkakakilanlan.

Pero malapit nang matapos ang kanilang fiesta dahil sa SIM Card Registration Law na nakatakdang lagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., habang isinusulat ko ito.

Dapat noon pa ginawa ang batas pero alam niyo naman ang mga mambabatas, reaksyonaryo….saka lang makaiisip ng batas para proteksyunan ang mga tao kapag may mga biktima na.

(Nga pala, hindi ang mga mambabatas (karamihan sa kanila) ang nag-iisip pala ng batas kundi ang kanilang mga staff, pinabubuo sa kanilang abogado ang panukala at isusubo lang sa kanila).

Hindi lang sa scam gina­gamit ang mga prepaid SIM card kundi sa terorismo at iba pang kriminalidad. Natatandaan n’yo pa ba ang bombang pinasabog sa Batasan Pambansa Complex na ikinamatay ng isang congressman mula sa Mindanao? Ang impormasyon du’n ay pinasabog ang bomba sa pamamagitan ng cellphone.

‘Yung mga kidnapper ay nakikipagtransaksyon sa pamamagitan ng prepaid SIM card sa pamilya ng kanilang mga biktima para sa ransom kaya mahirap silang mahuli dahil wala silang pagkakakilanlan.

Hindi ako umaasa na maparurusahan pa ang mga nanloko gamit ang mga prepaid SIM card sa mga nakaraan dahil tiyak na itatapon na lamang nila ang kanilang prepaid card at bumili nang bago pero mabisang pang-deterrent ang SIM Card Registration Law na ito para masugpo ang cybercriminals.

Ibig sabihin, hindi na ­maaaring magkaroon ng prepaid SIM card ang sino man, kasama ang mga dayuhan, na hindi magpapakita ng mga balidong impormasyon sa kanilang pagkakakilanlan tulad ng government issued IDs dahil ipapangalan sa kanila ang numerong gagamitin nila. Ngayon kasi, kahit sa bangketa ay may nagbebenta ng pre-paid SIM card sa halagang P30 at wala nang tanong-tanong. Pabor lang sa mga telecommunication company at hindi sa mga biktima ng mga scammer. Pero ngayon, maiiba na ang sitwasyon dahil magkakaroon na ng pagkaka­kilanlan ang prepaid SIM card users dahil kahit ‘yung gamit n’yo ngayon na hindi rehistrado ay kailangang niyong irehistro.

Bibigyan kayo, pre-paid SIM card users, nang sapat na panahon para irehistro n’yo ang numero n’yo sa inyong pangalan dahil kung hindi ay puputulin na iyan ng mga telco sa ayaw at sa gusto n’yo.

‘Yung cyber criminals, mga terorista, kidnappers at iba pang kriminal ay tiyak na itatapon na nila ang kanilang gamit na pre-paid SIM card ngayon dahil siguradong mahuhuli sila kapag nag-backtracking ang mga awtoridad sa mga krimen na gamit ang pre-paid SIM card.

Pero kailan naman dapat irehistro ang mga social media account para matigil na ang pagkakalat ng fake news at pangha-harass sa mga tao? Wala pang nakakaisip niyan sa Kongreso ha.

20

Related posts

Leave a Comment