HALOS 60,000 kabataang Pinoy ang namamatay sa Pilipinas kada taon bago pa tumuntong sa edad na 5. Mahigit 25,000 sanggol o 60 porsyento ng mga namatay bago ang kanilang 5th birthday ay bagong silang.
Batay sa ulat ng United Nations Inter-Agency Group for Child Mortality Estimation (UN-IGME), dahilan ng pagkasawi ang iba’t ibang kumplikasyon gaya ng premature na panganganak, intra-partum, at pagkahawa sa alinmang sakit.
Sa buong mundo, nasa 5M bata ang naiulat na namatay bago ang kanilang ikalimang kaarawan, at 2.1M bata at kabataan na nasa pagitan ng edad 5 hanggang 24 ang namatay noong 2021.
Kung pagbabatayan ang datos at mga rason, nangangahulugan na hindi sapat ang programa ng DOH sa mga barangay na i-monitor ang mga batang limang taong gulang pababa kung kulang sa timbang, at ang daycare na feeding program sa mga malnourished. Regular itong ginagawa ng mga Barangay Health Workers (BHW), katuwang ang mga midwife sa buong bansa.
Kailangan talaga ng Pilipinas na palawakin pa ang oportunidad sa de-kalidad na maternal at child health at nutrisyon, tutukan ang immunization ng mga bata at siguraduhin ang kalusugan sa unang 1,000 araw ng mga bata upang lumaki silang malakas.
Matibay na liderato at malaking puhunan ang isa sa mga susi para magtagumpay na mabawasan kundi man maiwasan ang trahedyang ito. Mamuhunan para sa pantay-pantay na pribilehiyo sa primary health ng babae, bata at kabataan ang pagtuunan. Karapatan para sa maayos na pangangalaga sa panahon ng pagbubuntis at panganganak ang ibigay para maiwasan ang stillbirth.
Ang mga sanggol ay hantad din sa mga nakahahawang sakit tulad ng pneumonia at diarrhea kaya malaki at ibayong pangangalaga ang nararapat sa mga ito.
Mabilis na aksyon ang akmang tugon sa nakakaalarmang sitwasyon.
Bigyan ang mga sanggol ng magandang simula at kinabukasan kaya huwag ipagkait sa kanila at sa kanilang pamilya ang pangunahing karapatan sa kalusugan.
Hamon ito sa DOH na paigtingin ang mga polisiya at programang magpapalakas ng ligtas at malusog na buhay ng mga bata.
Isingit din, sana, ang pagtalaga ng kalihim ng kalusugan upang magmaniobra ng timon ng misyon ng ahensya.
