CLICKBAIT ni JO BARLIZO
DAHIL sa COVID-19 ay nagbago ang schedule ng pagbubukas ng klase at ang panahon ng bakasyon ng mga mag-aaral.
Bago ang pandemya, ang klase sa luma o dating school calendar ay nagbubukas sa unang linggo ng Hunyo habang ang bakasyon ay Abril at Mayo.
Ngayong hindi na mahigpit ang restriksyon at balik-normal na ang pag-aaral, may mga mungkahi at rekomendasyon na ibalik ang old school calendar.
Ngunit sinabi ng DepEd na hindi maaaring kaagad ibalik ang dating school calendar dahil kailangan pa itong pag-aralan, at bumuo ang ahensya ng grupong mag-aaral sa mungkahi at rekomendasyong ibalik ang dating school calendar.
Gaano ba kahirap pag-aralan ang mga rekomendasyon para magkaroon ng desisyon mula sa sa tumpak at nararapat na basehan?
Sabagay, baka mahirap tanggapin ang rekomendasyon kahit malapit ito sa tumpak na desisyon kung ito ay galing sa inaakala’y kakumpitensya.
Ngayon, itinutulak ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang 185 araw na klase kada taon upang banayad at dahan-dahang maibalik ang school break sa Abril at Mayo.
Ang mungkahi ay batay sa polisiya ng DepEd na 180 araw ng non-negotiable contact time sa pagitan ng mga guro at mga estudyante, at limang araw na teachers’ in-service training, gayundin ng school break sa kalagitnaan ng school year.
Ayon sa ACT, ang kanilang mungkahi ay magiging daan upang magtapos ang bawat academic year nang mas maaga ng dalawa hanggang 3 linggo sa karaniwang schedule patungo sa dating summer break na Abril at Mayo.
Rekomendasyon na hindi naman biglaan ang transisyon, ngunit kagatin kaya ng bise presidenteng rumerenda sa ahensiya?
Matigas kaya si Sara.
Sayang naman kung itatapon. Baka salungatin at ang dagliang pagbabalik ang ikasa.
Baka masilip ang nangyari noong 1973 nang biglaang ilipat sa Hunyo ang pagbubukas ng klase, na dati isinasagawa ng Hulyo. Bago ang taong 1973 ay Hulyo ang umpisa ng klase at nagtatapos ng Abril.
Hindi pa sing-init ngayon ang summer noon at ang mga bagyo ay umiiral sa mga buwan ng Hulyo at Agosto kaya siguro inilipat ang umpisa ng school calendar ng Hunyo.
Panahon iyon ni Marcos Sr., isang buwan ang atras.
Ngayon, may nagpanukala na dahan-dahanin ang pagbabalik sa dating schedule. Sana naman ay silipin ang halaga ng rekomendasyon kahit galing sa oposisyon at kontrapelo.
Malaking problema sa bansa ang kakulangan sa edukasyon kaya kailangan ang pagtutulungan ng lahat.
Babala ng China
Sabi ng China, hindi raw dapat maapektuhan ang security at territorial interest nila at makisawsaw sa maritime dispute sa South China Sea ang security alliance ng Pilipinas at Amerika.
Nagpuputok ang butse ng China sa pinaka-malaking military exercises ng Pilipinas at Amerika na umarangkada na noong Martes. Inggit much?
Babala ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Wang Wenbin, hindi dapat maging target sa military drills ang anomang third party sa halip ay dapat makatulong aniya sa pagpapanatili ng kapayapaan sa Asia-Pacific region.
Sabi ng isang security analyst, makipagkaibigan man ang mga Pilipino sa mga Kano o hindi, apektado ang Pilipinas sakaling sumabak sa giyera ang China at iyon ay dahil sa strategic location nito.
Pero marami rin ang naniniwalang hanggang babala lang ang China at hindi rin nito gugustuhing ‘dumugo’ sa walang kwentang giyera.
