MATNOG – ALLEN BRIDGE MATULOY NA KAYA?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MATULOY na kaya ang isa sa pinakamalaking proyekto na paggawa ng Matnog, Sorsogon – Allen, Northern Samar Bridge?

Nitong nakaraang buwan ng Agosto ay tinalakay sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang proyektong ito.

Si 4Ps Party-list Representative Marcelino Libanan ang tumayo sa plenaryo ng Kamara para ipursige ang proyektong paggawa ng Matnog – Allen Bridge.

Ayon sa kanya, ang tulay na ito ay magdudugtong sa Bicol Region patungo sa Samar Island at Leyte.

Malaki ang magiging tulong nito sa ekonomiya ng Luzon at Samar Island at Leyte dahil magiging mabilis na ang paghahatid ng mga produkto sa magkabilang panig.

Kaakibat nito, mababawasan din ang gastusin ng mga negosyante sa pagtawid ng kanilang mga kalakal sa nabanggit na mga lugar.

Mababawasan din ang travel time ng mga nagdadala ng mga kalakal at mga pasahero sa pagtawid sa magkabilang lugar.

Hindi lang mga taga-Samar at Leyte ang makikinabang kung magagawa ang tulay ng Matnog – Allen kundi maging ang mga patungong Mindanao o pabalik sa Luzon na dumaraan dito.

Matatandaan, ilang taon na ang nakalilipas, nang manalasa ang Super Typhoon Yolanda na pinakamatinding naapektuhan ang Samar-Leyte, naging pahirapan ang pagtawid sa Matnog-Allen ng mga truck na may dalang relief goods.

Imbes na direkta nang dalhin sa Tacloban City ay idinaan pa sa Cebu ang reliefs goods bago dinala sa Tacloban at iba pang mga lugar sa Isla ng Samar.

Na-PUNA rin natin na pinagmumulan ng korapsyon ang pagtawid sa Matnog – Allen dahil sa rami ng tickets na binabayaran ng mga tumatawid sa magkabilang lugar.

Sa halip na pumasok sa kaban ng bayan ang pera na ibinabayad sa mga ticket na ito, kung kani-kanino lamang ito napupunta.

Sana nga magtulong-tulong ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Transportation (DOTr) at National Economic and Development Authority (NEDA) sa pagpursige ng proyekto.

Isa sa maaaring tumutol sa proyektong ito ay ang mga nagmamay-ari ng mga barko (ferries) na nagkakarga ng mga sasakyan, kalakal at mga tao na tumatawid sa dagat sa Matnog – Allen o Allen – Matnog (vice versa).

Sila kasi ang kumikita o nakikinabang sa pagtawid sa magkabilang panig.

Sana nga huwag nang magpatumpik-tumpik pa ang mga ahensya ng gobyerno na may kinalaman sa proyekto, at ituloy na ito.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon mag-email sa joel2amongo@yahoo.com

356

Related posts

Leave a Comment