MAY KALAYAAN PA BA ANG MEDIA SA PINAS?

KAALAMAN Ni Mike Rosario

MINSAN nang nabansagan na pinakadelikadong lugar ang Pilipinas para sa mga media practitioner dahil sa dami nang napapatay sa aming mga kasamahan.

Nag-ugat ang bansag na ito matapos ang naganap ang Maguindanao Massacre, ilang taon na ang nakalilipas.

Sa mahigit 52 katao na napatay sa karumal-dumal na krimen na ito, nasa 32 ang mula sa hanay ng media.

Pangunahing mga suspek sa krimen na ito ay ang pamilyang Ampatuan na kilalang political lord sa Mindanao na namayagpag ng maraming taon.

Ang pangyayaring ito ay hindi na mabubura sa isipan ng mga tao, partikular sa mga kamag-anak ng mga media practitioner.

Hanggang ngayon, ang mga kamag-anak ng mga napatay sa Maguindanao Massacre ay humihingi pa rin ng hustisya.

Hindi pa man natutuldukan ang usapin sa Maguindanao Massacre ay muli na namang may pinatay na media practitioner sa Oriental Mindoro.

Siya ay si Cresenciano ‘Cris’ Bundoquin, blocktimer ng isang radio station sa Calapan City, Oriental Mindoro na pinatay noong Mayo 31, 2023.

Batay sa report, pasado alas-4 ng madaling-araw noong Mayo 31, 2023 si Bundoquin, 50-anyos, ay dumating sa kanyang inuupahang tindahan sa Brgy. Sta. Isabel kasama ng kanyang anak na si John Mar, para maghanda sa kanilang negosyo nang may dalawang motorcycle-riding in tandem na kalalakihan sa lugar.

Ang driver ng motorsiklo (Honda XRM 125) na may plate number DD 22153, ay nakilala kalaunan na si Narciso Ignacio Guntan, 38-anyos, binata, mula sa Brgy. Paclasan, Roxas, Oriental Mindoro.

Kasamahan ni Guntan ang lumapit kay Bundoquin at pinagbabaril ang biktima nang malapitan ng limang beses gamit ang .45 caliber pistol na ikinamatay ng biktima.

Ayon sa nakuha nating impormasyon, si Guntan ay minsan nang nakulong dahil sa pagkakasangkot nito sa illegal drugs noong 2015 subalit nakalaya ito dahil sa plea bargaining agreement.

Sa ganang akin, maaaring bayaran ang gunman na bumaril kay Bundoquin dahil sa pagkatao nito bilang nasangkot sa illegal na droga.

Kinakailangan sa lalong madaling panahon ay matukoy kung sino ang nasa likod ng krimen na ito at managot sa batas.

Sa dami nang napapatay na media practitioner sa bansa, ito ba ay isang hudyat na gusto kaming patahimikin sa aming ginagawang pagbubulgar laban sa mga katiwalian?

Gusto ba nilang sikilin ang malayang pamamahayag sa bansa?

Ito ba ay sinasalamin ng tunay na kalagayan ng peace and order sa bansa?

71

Related posts

Leave a Comment