Hindi pa man opisyal na tag-ulan ngayon ay may panahon pa rin para paghandaan ang ulan at pagbaha na dulot nito.
Panahon din ito para samantalahin ng mga bagong halal na opisyal sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa bansa para magsilbi sa bayan. Kabilang pa rito ang mga 12 bagong upong mga senador.
Ang malaking isyu natin sa tuwing tag-ulan ay sakunang idinudulot nito sa atin. Problemang malaki ang pagbaha na kung hindi masosolusyunan ay mga sakit din ang naidudulot. Syempre pa ay dahilan din ito ng pagkakaroon ng masikip na daloy ng trapiko.
May panahon pa para linisin ang mga baradong drainage system kung magkakaroon ng pagkakaisa ang mga ahensya ng gobyerno para mabawasan kung hindi man matanggal ang mga isyu tungkol sa pagbaha.
Maaari ring ipatupad nang husto o mas higpitan pa ang pagbabawal sa pagkakalat ng mga basura sa kung saan-saan na lamang. Ipag-utos din na ang mga mahuhuling nagkakalat ng kanilang mga basura ay silang dapat maglinis nang husto sa mga pampublikong kalsada bilang community service maliban pa iyan sa kanilang pagmumulta. Sa ganyan tingnan kung sino ang hindi madadala. Nakikita natin kung may regulasyon na ganito ay magiging malaking babala ito sa mga taong sadyang mga makalat o walang respeto sa kapaligiran at ibang tao. Kung ganitong solido ang laban kontra pagbaha ay hindi pamamarisan ng iba ang mga mapagkalat.
Hindi na kasi makaintindi ang marami at parami na nang parami ang walang disiplina. Sila yaong mga taong alam namang bawal magkalat at kahit pa may mga basurang nakikita ay mas pinipili pang magdumi sa kung saan na lamang.
Kaya habang may panahon pa ay kumilus-kilos na tayo at makipagtulungan din sa pamahalaan para rito. Tutal naman tayo ang gumagawa ng ganitong malaswang problema ng bayan, tayo rin naman ang magiging susi sa solusyon dito. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)
123