T’yak may tradisyunal na hamon pa rin at hindi magbabago ang presyo nito ngayong Pasko sa kabila ng isyu sa African Swine Fever (ASF).
Pero dahil hindi maiiwasan ang pagbabawas ng produksyon ng hamon, ang t’yak namang maaapektuhan ay itong tinatawag na seasonal employees dahil siguradong hindi na muna sila kukunin ngayong Kapaskuhan, ayon na rin Philippine Association of Meat Processors Inc.
Nagkaroon ng pagtigil o pagputol ng produksyon dahil sa total ban na ipinataw sa baboy at produkto mula sa Luzon, probinsiya ng Cebu at Bohol.
Pero sinabi ng PAMPI na hindi pa rin sila magtataas ng presyo ng kanilang produkto matapos ang naunang dagdag dahil sa pagputok ng ASF. Napilitan ang industriya na magtaas ng presyo ng 10% hanggang 12% sa katamtaman dahil sa mataas na gastos sa baboy.
Ang PAMPI ay kinabibilangan ng 83 member-companies sa buong Pilipinas tulad ng Purefoods Hormel Company, CDO Foodsphere Inc., Pacific Meat Co. Inc., Frabelle Corporation at Pampanga’s Best.
‘KUNG AYAW MAGMULTA SIMPLE LANG, SUMUNOD SA BATAS-TRAPIKO’
Ang mga taong may disiplina lalo na ang mga motorista ay walang dapat ipangamba kung sadyang sumusunod lang ang lahat sa mga batas-trapiko.
Iyan ang sinasabi ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian kamakailan sa full-blast implementation ng ‘No-Contact Apprehension’ ordinance lalung-lalo na sa mga pangunahing lansangan sa lungsod.
Layunin ng bagong proyekto ay, as usual, ang disiplina sa lansangan pero medyo nagulat din s’ya dahil may mga ilan ding binabatikos ito lalo na ng jeepney drivers pero marami naman lalo ang netizen commuters na ikinatuwa at sinuportahan ito.
Base sa sistema, ang sinumang violator na mahuhuli sa camera ay mabibigyan ng notice of violation kung saan nakasaad dito ang klase ng paglabag, kung saan at kailan nangyari kasama na rin ang kuha o litrato ng violation. (Early Warning / ARLIE O. CALALO)
149