BANAT BY NO ONE ABOVE THE LAW
SA kabila ng mga hindi inaasahang resulta ng labanang teritoryal sa pagitan ng Makati at Taguig, isinusulong ni Atty. Darwin Canete na tanggapin ni Mayor Abby Binay ng Makati, ang mga ito. Ipinapayo ni Canete na sa halip na magmatigas, ay mas mainam na harapin ni Mayor Binay ang mga posibleng bunga ng mga kaganapan na ito, lalo pa’t siya mismo ang nag-akyat ng usapin sa Korte Suprema.
Matatandaang idinulog ng Makati City ang kaso sa Korte Suprema upang hilingin ang huling desisyon ng mga mahistrado ukol sa isyu ng teritoryo. Sa ganitong hakbang, isang mahalagang bahagi ng proseso ang pag-unawa na maaaring maging tagumpay o pagkatalo ang resulta. Ayon kay Atty. Canete, “Ngayong nagsalita na ang kataas-taasang hukuman ay walang ibang opsyon si Binay bilang akalde ng Makati, kundi ang magparaya sa nanalong partido, ang Taguig LGU.”
Binigyang diin ni Canete na mula pa noong panahon ng mga naunang administrasyon ng Makati City, tulad nina Mayor Jejomar Binay, Junjun Binay, at Abby Binay, ay matagal nang itinataguyod ng lungsod ang kanilang karapatan sa Bonifacio Global City (BGC), na isang lugar na malugod na ipinaglalaban din ng Taguig.
Ayon kay Canete, ang pinakamahalaga ay tanggapin ngayon ni Mayor Binay ang mga resulta, partikular sa kasalukuyang panahon ng turnover ng nasabing mga teritoryo. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng kooperasyon para sa ikabubuti ng mga residente.
Samantala, ang mga ebidensya ng bawat panig ay umiikot sa mga titulo at presidential order. Inilahad ni Canete na habang ang Makati ay nagpapakita ng mga land survey mula sa isang pribadong kontraktor, ang Taguig naman ay may hawak na mga titulo at presidential order bilang mga batayan ng kanilang karapatan.
Hindi rin nakaligtas kay Canete ang pagsusuri sa pag-akyat ng kaso sa Korte Suprema. Ayon sa kanya, ito ay naging isang pagkakamali na may magandang layunin sana ang Makati City kung hindi ito nagpursige na dalhin ang usapin sa mataas na hukuman. “Kung ‘di ganoon kalakas ang ebidensya ang pinanghahawakan ng Makati, naging mainam sana na hindi na ito pinursige sa Supreme Court na siyang final arbiter, nagkaroon lang sana ng status quo sa dispute at ‘yung EMBO barangays ay nasa Makati pa rin,” dagdag pa nito.
Sa pagwawakas, pinuri ni Canete ang mabuting liderato ni Mayor Lani Cayetano ng Taguig, na naging halimbawa ng magandang pamumuno sa kanilang pagtanggap ng mga estudyante ng EMBO schools sa nakaraang Brigada Eskuwela. Ipinahayag niya na ang ganitong uri ng liderato ang nagbibigay kumpiyansa sa mga residente na ang kanilang lokal na pamahalaan ay magbibigay ng malinis at epektibong serbisyo.
Sa kabuuan, mahalaga ang pagtanggap ni Mayor Abby Binay ng mga posibleng resulta ng labanang teritoryal na ito. Ang kooperasyon at pag-unawa ay maaaring maging susi sa tagumpay at kapakanan ng mga residente ng bawat lungsod.
193