MAYOR BALDO NANAWAGAN KAY DIGONG

FOR THE FLAG

Nanawagan kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte si Daraga Albay Mayor Carlowyn Baldo ng tulong makaraang makatanggap ng mga seryosong banta sa kanyang buhay kaugnay ng diumano’y pagkakasangkot nito sa pagpatay kay Ako-Bikol Congressman Rodel Batocabe.

Nagpanukala ang alkalde ng Daraga Albay na rito na lamang sa Maynila isagawa ang paglilitis at hindi sa Legazpi bunga diumano ng mga seryosong bantang ito sa kanyang buhay at sa kanyang pamilya.

Mas malaki aniya ang tsansa na makamit ng mayor ang hustisya kung isasagawa sa Maynila ang paglilitis upang tuluyang mabatid ng taumbayan kung sino ang tunay na nagpapatay kay Congressman Batocabe.

Ayon kay Baldo, mayroong panggigipit na nangyayari sa Legaspi City na ang layunin ay idiniin siya sa kaso upang tuluyang makalalaya ang mga totoong nagpapatay kay Congressman Batocabe.

Binaril at napatay ng mga salarin si Batocabe noong Disyembre nang nakaraang taon at iniugnay sa krimen si Mayor Baldo batay lamang sa hinalang takot ito sa pagtakbo bilang alkalde ng nasirang congressman.

Ito rin ang naging bata­yan ng department of justice upang isangkot si Mayor Baldo sa krimen.

Ngunit ayon kay Mayor Baldo, malakas ang physical evidence na nagpapatunay na hindi siya ang nagpapatay kay Batocabe.

Magkakasalungat ang testimonya mismo ng mga sumukong self-confessed killers sa ebidensyang nakalap ng Philippine National Police sa crime scene.

Ayon sa pulisya, walong bala ang tumama sa likod ni Batocabe at dalawang salarin ang gumamit ng dalawang magkaibang kalibre kuwarenta’y singkong baril.

Sa testimonya ng isa sa mga sumuko si Henry Yuzon na nagsabing tatlong beses daw niyang binaril si Batocabe sa likod samantalang isang tama rin ng bala ang nakuha ng congressman mula naman sa isa ring kasapakat ni Henry na si Lando habang nakahandusay sa lupa ang congressman.

Marami pa umanong pisikal na ebidensyang magpapatunay na inosente si Ma­yor Baldo at maaaring hindi totoong mga salarin ang mga sumukong ito sa pulisya.

Umaasa si Mayor Baldo na papakinggan siya ni Pangulong Duterte na dati ring naging piskal noon sa Davao.   (For the Flag / ED CORDEVILLA)

103

Related posts

Leave a Comment