PUNA ni JOEL O. AMONGO
PUMALAG ang mga kasamahan natin na nagko-cover sa Bureau of Customs (BOC), sa gusto ng Public Information and Assistance Division (PIAD) na kontrolin tayo sa ating pagbabalita.
Kailangan isang araw bago isagawa ang press conference ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio, ay dapat ibigay na sa PIAD ang mga katanungan ng media sa hepe ng Customs.
Ang galing ano ha, ala pang prescon, magbibigay na kami ng mga tanong? Niloloko n’yo ba kami? Magtatanong na kami, wala pang presscon!?
Bakit natatakot ba kayo na matanong kayo ng hindi n’yo kayang sagutin at baka mapahiya ang bossing n’yo?
Alalahanin n’yo na ang Bureau of Customs ay opisina ng gobyerno na nangangalap ng pondo para magamit ng pamahalaan sa iba’t ibang proyekto nito.
Hindi n’yo makakaila na hanggang ngayon ay talamak pa rin ang smuggling lalo na ngayon na sa susunod na buwan ay papasok na ang ber months.
Kadalasan, nagsisimula ng agricultural smuggling pagpasok ng unang buwan ng ber months na Setyembre.
Dito rin nagsisimula ang malaking problema o kalbaryo ng mga magsasakang Pinoy.
Pinapatay kasi ng smuggling na ito ang lokal na mga produkto, tulad ng kamatis, sibuyas, luya, carrots, repolyo at maraming iba pa.
Bukod sa mga ito, sa pagpasok din ng ber months, dumadagsa ang mga karne, at mga imported na pangdekorasyon at paputok na ginagamit sa Kapaskuhan at pagsalubong sa bagong taon.
Anong gusto ng BOC-PIAD, purihin namin kayo sa dami ng smuggling?
Gusto n’yo laging pabor sa inyo ang aming gagawing balita?
Gusto n’yong mangyaring maging bulag, pipi at bingi kami sa totoong nangyayari sa customs?
Mas maganda pa ang mga nakaraang administrasyon ng BOC, walang ganoong sistema ang PIAD. Walang sinasabi na isang araw bago ang prescon ng hepe ng BOC ay kailangan nang isumite ang mga katanungan namin.
Hindi naniniwala ang mga taga-media na hindi alam ni Comm. Rubio itong pumutok na kagustuhan ng PIAD.
Na-PUNA rin natin na sa tagal na nating nagko-cover sa BOC ay hindi man lang tayo napadalhan ng imbitasyon sa kanilang press conference. Dahil ba ito sa mga PUNA natin sa kanila?
Kahit hindi nila tayo imbitahan sa kanilang prescon ay kaya natin magsulat ng may kinalaman sa kanilang mga ginagawa pabor man ‘yan o laban sa kanila.
oOo
Para sa mga sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
64