MEDIA KILLINGS SUMASALAMIN NGA BA SA PEACE & ORDER PROBLEM?

PUNA ni Joel Amongo

UNA sa lahat ay nakikidalamhati po ang PUNA sa iniwang pamilya ng ating kasamahang media na pinatay sa Oriental Mindoro kamakailan.

Kinokondena po natin ang pagpaslang sa kanya ng riding-in tandem daw na mga salarin, ayon sa ating natanggap na impormasyon.

Base sa impormasyon ng pulisya, pasado alas-4 ng madaling-araw noong Mayo 31, 2023, si Cresenciano ‘Cris’ Bundoquin, blocktimer ng isang radio station sa Oriental Mindoro, nang dumating sa kanyang inuupahang tindahan ng manok sa Brgy. Sta. Isabel sa nasabing siyudad kasama ng kanyang anak na si John Mar, ay may dumating na dalawang lalaki na riding-in tandem.

Kinilala ng mga awtoridad, ang driver ng motorsiklo (Honda XRM 125) na may plakang bilang DD 22153, na si Narciso Ignacio Guntan, 38-anyos, binata, mula sa Brgy. Paclasan, Roxas, Oriental Mindoro.

Ang kasamahan ni Guntan, ang lumapit kay Bundoquin na pinagbabaril ito ng limang beses gamit ang .45 caliber pistol na ikinamatay ng biktima.

Hindi pa man nabibigyan ng linaw ang pagpatay kay Percy Lapid na isa ring broadcaster na tinambangan sa Las Piñas City, ilang buwan na ang nakalipas, ay muli na namang naulit ang pamamaslang sa miyembro ng tinatawag na ‘4th State.’

Idagdag pa natin ang pinaka karumal-dumal na Maguindanao Massacre na ang utak ay ang pamilyang Ampatuan.

Sa kabila ng maraming insidente ng pamamaslang sa hanay ng media ay hindi pa rin naalarma ang gobyerno. Anyare? Sinasabing nasa demokrasya ang bansa natin, pero pinapatay ang mga nasa ‘4th State.’

Sumasalamin ba ito sa tunay na kalagayan ng peace and order sa bansa?

Ito ba ay babala sa iba pang mga kagawad ng media na ‘wag nang bumatikos sa maling gawain para hindi manganib ang aming buhay?

Habang nalalagasan kami ay lalo pa kaming babatikos at aanghangan pa namin ang aming ibabato sa sinomang nasasangkot sa katiwalian, lalo na kung ang mga ito ay nasa gobyerno dahil pera ng taumbayan ang kanilang nilulustay.

Sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay nilagdaan niya ang pinalawak na sakop ng ‘law protecting journalist from being forced to disclose their sources and it now includes broadcast and online media.’

Ang nilagdaan ni Pangulong Duterte noong Agosto 30 ay ang Republic Act No. 11458 na nag-aamyenda sa RA 53 o mas kilala bilang Sotto law.

Sakop nito ‘any publisher, owner or duly recognized journalist, writer, reporter, contributor, opinion writer, editor, columnist, manager and media practitioner involved in the writing, editing, production and dissemination of news for mass circulation of any print, broadcast, wire service organization, or electronic mass media, including cable TV and its variants.’

Sa isang pahayag sinabi ni dating presidential spokesperson Salvador Panelo, ang ginawang paglagda ni Pangulong Duterte sa nasabing bill ay nagpapakita na ang kanyang administrasyon ay may respeto sa press freedom.

Sa mga pananalita at press release ay protektado raw ng pamahalaan ang mga nasa hanay ng media subalit sa totoo ay hindi ito ramdam ng mga miyembro ng ‘4th State.’

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

59

Related posts

Leave a Comment