MEDICAL SERVICES SA QUEZON ABOT-KAMAY NA – GOV. HELEN TAN

SABONG ON AIR ni KA REX CAYANONG

LALONG pagpapalakas ng programang pangkalusugan ang prayoridad ni Quezon Gov. Helen Tan.

Katunayan, inanunsiyo ni Tan na ang lahat ng Chief of Hospital at Administrative Officer ng mga pampublikong ospital ng lalawigan ay nagkaroon ng pagpupulong.

“Isa sa binigyang diin ay ang pagtatatag ng Health Navigation and Referral System sa probinsya,” wika ng masipag na gobernadora.

Sinabi ni Tan na karamihan sa mga pasyente ng mga pampublikong ospital ay talagang mahihirap na mas nangangailangan ng abot-kamay at maayos na assistance.

Kaya naman, nais ni Tan na pasimplehin ang proseso ng mga serbisyong medikal sa kanilang lalawigan.

Nakahanay sa kanyang mga plano ang Health Profiling System, Electronic Medical Record, at ang Health Navigation and Referral System. “At magsisimula ang katagumpayan ng ating mga plano kung maiintindihan ng mga namumuno ang kahalagahan at maitutulong nito kung maipapatupad ng maayos,” sabi ni Tan.

Bukod dito, tinututukan din ni Tan ang usapin ng malnutrisyon at full immunity ng mga bata, gayundin ang pagpapababa sa HIV cases sa Quezon.

Aba’y nakatuon ang pamunuan ni Tan sa digitalization ng health and referral system at dapat din daw ayusin pa ang supply chain management at tugunan ang human resource sa mga institusyong pangkalusugan.

“Ilan lamang ito sa mga nilalaman ng ating 2023 Annual Operation Plan at ng Review and Approval for Endorsement of the Local Investment Plan for 2023-2025 na naging agenda ng isinagawa nating 1st 2023 Local Health Board Meeting ngayong araw,” sabi niya.

“Nakasama natin dito ang lahat ng ating katuwang sa sektor ng kalusugan sa pangunguna ni Provincial Health Officer Dr. Christine Villaseñor.”

Aminado si Tan na marami pang dapat gawin at napakahalaga ng papel na dapat gampanan ng bawat isa.

Sa pangunguna ng provincial government, nangako si Tan isasakatuparan nila ito kasama ang consolidated efforts ng lahat ng bayan sa lalawigan.

Samantala, kamakailan din ay muling binisita ni Tan ang Brgy. Mamala 1, Sariaya, Quezon para sa Vegetable Stakeholders Consultation Meeting.

“Hindi natin dapat sinasabi na tayo ay magsasaka lang. Tayo ay magsasaka na nagsisikap para sa mga mahal natin sa buhay. Itinataguyod natin ang ating pamilya, pinag-aaral natin ang ating mga anak, at wala tayong ibang hinahangad kundi ang guminhawa ang ating pamumuhay,” paalala ng gobernadora sa pakikipagpulong niya sa grupo ng mga magsasaka.

Dito’y binigyang-diin din ni Tan ang mga proyekto para sa ikauunlad ng farmers group.

Mabuhay po kayo, Gov. Helen, at God bless po!

13

Related posts

Leave a Comment