MEDICAL SUPPORT OTOMATIK SANA

DPA ni Bernard Taguinod

ISA sa mga sistemang kailangang baguhin sa ating bansa ay ang pagtulong sa mahihirap na kababayan natin na nagkakasakit upang hindi sila mabaon at kanyang pamilya sa utang.

Dapat otomatik ang tulong tulad ng ginagawa sa ibang bansa kagaya ng Canada na kapag may naospital ay sagot ng gobyerno ang pagpapaospital at magpapagamot na hindi na kailangang humingi ng tulong kung kani-kaninong politiko.

Sa mga government hospital na sinasabing pag-asa ng mahihirap na nagkakasakit ay hindi naman talaga lubos ang tulong dahil susuka at susuka ng pera ang pamilya ng pasyente.

Oo nga’t mas mura ang pagpapagamot sa mga government hospital tulad ng Philippine General Hospital kumpara sa pribadong pagamutan, gayunman malaki pa rin ang ginagastos ng mga nagkakasakit sa hospital at professional bills.

Hindi po libre ang bayad sa mga doctor ha. Hindi ‘yan sagot ng mga government hospital at hiwalay ‘yan sa bill ng hospital at bago ka payagang lumabas kung may utang ka pa sa hospital ay kailangan mo munang bayaran professional fees na hindi kaya ng karamihan sa mga pasyente.

Kaya karamihan sa mga kababayan natin ay nagtitiis sa init ng araw na pumila, madaling araw pa lamang, sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para humingi ng tulong para mabawasan ang babayarang hospital bills.

Pero hindi ka kaagad mabigyan ng tulong dyan ha, marami silang hihingiin sa inyo na mga dokumento bago ka matulungan at kung mamalasin ka pa, ay P10,000 lang ang ibibigay sa ‘yo kahit kalahating milyon na ang hospital bill na ipinakita mo. Walang dent kung baga.

Para madagdagan ‘yan, pupunta naman sila o susulat sa tanggapan ng mga politiko tulad ng mga senador, congressman para humingi ng konting tulong mula sa kanilang medical funds.

Sa pagkakarinig ko, may mga senador at congressman ang medyo galante pero alam niyo ba na may senador ang masyadong kinakawawa ang humihingi ng tulong sa kanila para sa hospital bills?

Sa impormayon ng DPA, P3,000 sa pamamagitan ng guarantee letter (GL) lang ang ibinigay ni Mr. Senator sa kaanak ng isang pasyente na lumapit sa kanya? Saan ang puso ng Senador na ito na kapag nangampanya ay nasa puso raw niya ang mga Filipino?

May medical funds ang mga politiko sa Department of Health (DOH) na bahagi ng kanilang soft projects so pera ‘yan ng taumbayan na ipinagkatiwala sa kanila na ginagamit nila para magpabango sa mga tao.

Ang punto ko dito, bakit kailangan pang idaan sa mga politiko tulad ng senador na ito, ang tulong sa mga tao para mabawasan ang kanilang binabayarang hospital bills kung kaya naman ng gobyerno mismo?

Hindi ko na kailangang pangalanan si Senator pero pabalik-balik na lang siya sa Senado at kabilang siya sa mga napapanisan ng laway doon dahil hindi mo siya naririnig na magsalita.

81

Related posts

Leave a Comment