MERALCO TODO SERBISYO TUWING KALAMIDAD

MY POINT OF BREW Ni JERA SISON

ISANG malakas na bagyo na naman ang dumaan sa bansa kamakailan. Bagaman ang Visayas at Mindanao ang lubhang nakaranas ng pananalasa ng bagyong ito, ilang mga lugar pa rin sa Luzon, partikular na sa Calabarzon area, ang nakaranas ng hagupit nito. Marami ang binaha at pansamantalang nawalan ng serbisyo ng kuryente dala ng hagupit ni Bagyong Paeng.

***

Ang mga crew ng Meralco ay buong tapang na pinuntahan ang mga lugar na nawalan ng kuryente sa kabila ng malakas na pag-ulan. Nagpatuloy pa rin ang pagkumpuni ng mga lineman ng Meralco upang maibalik ang kuryente pagkatapos ng bagyo.

***

Ayon sa ulat ng Meralco, umabot sa 4 milyong customer na nakaranas ng pagkawala ng serbisyo noong bagyo, ngunit matapos ang 24 oras ay napababa agad ang numerong ito sa mahigit 500,000 na lamang dahil sa walang puknat na pagtatrabaho ng Meralco. Kahit mismong araw ng Undas ay nagtrabaho ang mga lineman kaya’t mabilis na nagbalik sa normal ang operasyon ng Meralco.

***

Hindi ko maiwasang bumilib sa dedikasyon ng mga crew ng Meralco upang maibalik ang kuryente sa pinakamabilis na panahon sa mga apektadong lugar. Kaya naman napapa-iling ako sa ilang mga netizen na walang pakundangan kung makapagreklamo tungkol sa nangyayaring black out sa kanilang lugar habang sila ay ligtas naman sa kanilang mga bahay at ang iba sa kanila ay nawalan ng kuryente ng ilang oras lamang.

***

Ang maliit na porsyento ng mga customer na nawalan ng kuryente noong bagyo ay patunay sa epektibong paghahanda na ginawa ng Meralco. Kapag tiningnan ang website ng Meralco at maging ang opisyal na Facebook page nito, makikita ang iskedyul ng mga maintenance na ginagawa nito sa iba’t ibang bahagi ng lugar na sakop ng kumpanya. Ito ay ginagawa ng Meralco upang siguraduhin ang kalidad ng pasilidad nito.

***

Bago sumapit ang bagyo, naglabas na ito ng mga paalala tungkol sa mga dapat gawin ng mga customer na paghahanda. Ito ay makikita mga social media account ng Meralco sa Facebook at maging sa Twitter. Doon din nakalagay ang mga paraan kung paano pwede magpadala ng report ang mga customer. Mayroon ding mga impormasyon na ipinadala ng kumpanya sa media.

***

Nagsagawa rin ang Meralco ng mga pag-trim ng mga puno na dumidikit sa kanilang pasilidad upang mapababa ang posibilidad na maging sanhi ito ng pagkawala ng kuryente pagdating ng bagyo. Tumatanggap din ng mga request ang Meralco mula sa mga customer ukol sa libreng trimming ng puno basta’t may mga pasilidad ng kumpanya na apektado sa lugar.

***

Sa gitna ng pagsusumikap ng Meralco na maibalik ang kuryente sa lahat ng nawalan ng serbisyo, ang social development arm naman nito, ang One Meralco Foundation (OMF), ay abala sa pamamahagi ng tulong sa mga lugar na lubhang nasalanta ng bagyong Paeng. Nagpunta sa San Pedro, Laguna ang OMF kasama ang mga employee volunteer mula sa San Pedro Business Center nito upang magdala ng mga relief pack at mga kumot sa mga residenteng naapektuhan ng bagyo.

***

Batay din sa Facebook page ng OMF, nagpadala rin ito ng tulong sa Lipa, Batangas at Sangley Point, Cavite sa pakikipagtulungan sa Philippine Air Force Officers’ Ladies Club (PAFOLC). Umabot na rin sa Capiz ang pagtulong ng OMF sa pakikipagtulungan naman sa The Tree Huggers Movement. Nagpamahagi ang OMF ng mga pagkain sa mga residente ng Brgy. Cadio sa Panit-an, sa Maayon, at Pilar sa Capiz. Pati ang mga residente ng Brgy. Bonza, Libacao sa Aklan ay nakatanggap din ng tulong mula sa OMF. Patuloy ang OMF sa pakikipagtulungan sa mga pribadong organisasyon sa paghahatid ng tulong sa mga lugar na talagang malubhang naapektuhan ng bagyong Paeng.

***

Ayon sa opisyal na ulat na inilabas ng Department of Energy (DOE) noong ika-2 ng Nobyembre, naibalik na ang serbisyo ng kuryente sa mga lugar na sakop ng Meralco. Ngayong tapos na ang bagyo, huwag natin kalimutan ang mga magigiting na lineman ng Meralco na nagtrabaho magdamag habang masama ang panahon at hindi na nagkaroon ng pagkakataong alalahanin at dalawin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay nitong nagdaang Undas maibalik lamang ang liwanag sa ating mga bahay. Saludo ako!

23

Related posts

Leave a Comment