Patuloy pa rin ang panawagan ng ating kabayani na itinago natin sa pangalan na “Em-em Pie” sa aking kolum nuong Oktubre 13. Sobrang takot sa bantang puputulan sIya ng daliri at pupunitin ang kanyang pasaporte kaya sIya ay humingi ng saklolo sa Ako OFW at sa kanyang ahensya.
Ngunit, makalipas ang isang lingo ay hindi pa rin binibigyan ng aksyon ng Dream Builders Manpower Corp. ang kanyang panawagan na siya ay bigyan ng tulong na makaalis na sa kanyang mapang-abusong employer bagama’t ito ay naiparating na sa kanilang kaalaman.
Ipinakiusap na rin po natin sa ating OWWA Welfare Officer sa Kuwait na si Atty. Lhyn Perez ang kasong ito ni Em-em Pie at nangako naman ito na ipapatawag ang Foreign Recruitment Agency sa Kuwait.
Gayundin, isang sumbong naman ang aking natanggap mula sa ating kabayani na nasa Jleeb, Kuwait na si Marivic Billones na deployed ng Gold Icon & Promotion. Ayon kay OFW Billones ay tapos na ang kanyang kontrata ngunit ayaw pa rin siyang pauwiin ng kanyang employer hangga’t walang nakukuhang kapalit niya.
Inirereklamo rin ni OFW Billones na tatlong buwan na rin siyang hindi tumatanggap ng kanyang sweldo. Tila nasa loob siya ng Pinoy Big Brother house dahil ultimo ang kanyang kuwarto ay nilagyan ng CCTV ng kanyang employer. Naiparating ko na rin ang sumbong na ito kay Welfare Officer Atty. Perez.
Samantala, nagsusumbong din si OFW Ruvilyn Pascua na isang OFW na nasa Kuwait na deployed ng Prince Global Manpower Services Inc. Ayon kay OFW Pascua, sa simula pa lamang ay kanya nang ipinarating sa kanyang ahensya ang hindi pagsunod ng employer sa kanyang kontrata.
Inirereklamo kasi ni OFW Pascua ang masyadong mahabang oras ng trabaho na regular na nagsisimula ng alas-6:00 ng umaga hanggang madaling araw. Isang beses sa isang araw lamang diumano siya pinapakain ng kanyang employer. Ayon kay OFW Pascua ay ipinarating na n’ya sa kanyang ahensya ang kanyang pinagdaraanan ngunit tila dini-deadma o hindi ito pinapansin ng kanyang ahensya.
Kung kaya, ang Ako OFW ay nanawagan sa POEA na bigyan ng karampatang pagdisiplina ang mga ahensyang hindi nagbibigay pansin sa mga sumbong at reklamo ng mga OFW na kanilang dini-deployed. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
157