Maituturing na mga anay sa Philippine National Police ang mga miyembro nitong sangkot sa pag-recycle ng mga nahuhuling ilegal na droga at ang pagsisilbi bilang mga protektor ng mga kilalang drug lord at drug queen kapalit ng malaking pera mula sa pagbebenta ng droga.
Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency Director-General Aaron Aquino, mahigit 700 pulis ang nasa sa drug watchlist ng PDEA kabilang na ang mga tinatawag na “ninja cops” na nag-o-operate rito sa Metro Manila.
Bagama’t maliit na porsyento lang sa kabuuang bilang ng buong PNP na nasa 120,000 personnel, ang mga sinasabing anay ay sumisira sa imahe ng pambansang pulisya lalo pa’t may mga opisyal – kabilang na ang ilang heneral at koronel — na sangkot sa ilegal na gawain ng pagbebenta ng mga nakukumpiskang droga mula sa mga naaarestong drug lord.
Minsan na ring naging regional director ng PNP sa Central Luzon si PDEA chief Aquino at dito niya nakita kung gaano katalamak ang pagkakasangkot ng mga pulis sa ilegal na droga kung saan 140 pulis ang kanyang sinibak sa puwesto dahil sa paggamit at pagbebenta ng droga at pagiging protektor ng mga sindikato sa droga.
“All sorts ‘yan mga kaso ng kung anu-ano, extortion, recycling, most of them are involved in illegal drugs. The band aid solution during that time was itapon sa Mindanao to cut their doings and at the same time kung may network sila,” paliwanag ni Aquino.
Dahil walang testigo laban sa “ninja cops,”, ipinatapon ni Aquino sa Mindanao ang karamihan ng 140 police scalawags pero dahil na rin sa kanilang mga koneksyon sa PNP ay nakabalik uli ang karamihan ng “ninja cops” sa National Capital Region.
Ayon pa rin kay Aquino, nag-level up na rin ang ilang “ninja cops” sa pamamagitan ng pag-kidnap sa drug lords at drug chemist ng mga sindikato at pinatutubos ang mga ito kapalit ng multi-milyong pisong halaga ng ransom.
Ito ang sabi pa ni Aquino: “Example, papasukin ang isang drug lab mahuhuli ang drug chemist. Kikidnapin nila ‘yun, tutubusin ng P70 million ‘yun. Magbabayad ‘yung drug syndicates… gawain ng ninja cops ‘yun.”
Malaking problema rin ng PDEA ang mga leakage sa kanilang planong operasyon laban sa mga high-value target gaya ng tinatawag na “drug queen” na isang barangay chairwoman sa 4th District (Sampaloc) sa Maynila.
Ibig sabihin lang nito na mismong sa PDEA at ibang law enforcement agencies kung saan nakikipag-coordinate ang PDEA ay may mga protektor ang target druglords kung kaya naaabisuhan agad ang mga ito bago pa ilunsad ang aktwal na operasyon. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)
334