Mga atleta-sundalong bayani ng Pilipinas (Huling Bahagi)

0

MALIBAN sa siyam na Olympian, 43 pa (52 lahat) na atleta-sundalo ang binigyang pugay noong ika-17 ng Hulyo 1951 ng Philippine Amateur Athletic Federation (PAAF) dahil sa kanilang kabayanihan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Labinsiyam sa kanila ay dinala ang ating bandilang may sagradong kulay na pula, puti at bughaw sa maraming pang-internasyonal na kompetisyon tulad ng mga kababayang Olympian na sina swimmer Teofilo Yldefonso af Miguel White na kapwa nag-uwi ng medalyang tanso mula sa Olimpiyada.

Dalawang medalyang tanso ang naibulsa ni Yldefonso ng Piddig, Ilocos Norte noong 1928 sa Amsterdam at 1932 sa Los Angeles, at isa kay White sa Berlin noong 1936.

Karamihan sa mga pinapurihan ay mga atletang miyembro ng Philippine Scouts, USAFFE o underground guerilla units.

Marami rin ang kumatawan sa track and field, 10 sa swimming, siyam sa baseball, lima sa basketball, tatlo sa boksing, dalawa sa football, ­dalawa sa tennis at tig-isa sa wrestling at shooting.

Isa sa dalawang pinarangalan sa football ay si Virgilio Lobregat, naging Outstanding Athletes of Half-A-Century kasama si Jacinto “Jumping Jack” Ciria Cruz na miyembro ng pambansang koponan ng basketball na tumapos na panlima sa Berlin.

Sina Yldefonso at White ay dalawa sa 10 Olympic medalists na tumanggap ng “Lifetime Achievement Award,” bawat isa mula sa Sports Communicators Organization of the Philippines (SCOOP) sa paggunita sa ika-80 taong partisipasyon ng Pilipinas sa Olimpiyada.

Ang iba pang Olympian sa listahan – Amador Obordo ng Berlin quintet, Lt. Nemesio de Guzman (athletics), Lt. Otoniel Gonzaga (shooting), Lt. ­Simplicio de Castro (boxing) at Lt. Enrique Jurado at Abduraman Ali (swimming).

Si De Guzman ng Philippine Army ay miyembro ng pambansang delegasyon sa IXth Olympiad sa Amsterdam, samantalang si Gonzaga at De Castro sa Berlin. Si Ali ay lumangoy sa XIth Olympiad sa Los Angeles.

Maliban kina White at De Guzman, ang iba pang Pinoy runners, throwers at jumpers na nasawi rin sa digmaan ay sina Miguel Sugeco, Sgt. Doming Espanol, Lt. Jose Antonio, Mayor Emilio Bucoy, Wenceslao Bansale, Eliseo Razo, Civico Granado, Maximino Pasaporte, Albino Bangayan, Delfin Danguilan, Lt. Constantino Alambra, Moises Lucas, Felizardo Casia, Francisco Danao, Bartolome Barabad, Alejo Alvarez at Simon Santos.

Kabilang din sa listahan sina swimmer Rosendo Aguinaldo, Policarpio Tolentino, Donato ­Cabading, Miguel Bartolaso, Ulka Mangona, Jakara Angkang, Bernardino Tugbo at Mauricio Guidote.

Ang mga manlalaro ng baseball na kumatawan sa bansa sa maraming internasyonal na kompetisyon kabilang ang Far Eastern Games ay sina Sgt. Aquilino Jacob, Cpl. Pablo Chu, Sgt. Gervacio Estorba, Atilano Rivera, Casimiro Francisco, Ramon Oncinian, Toribio Oncinian, Regino Bertulfo at Cipriano Platon.

Si Atiklano na kung tawagin ay “Django” ay isa sa mga kauna-unahang naglaro sa Japanese pro-league. Napatay siya ng mga dati niyang pinaglingkurang mananakop sa isang matinding labanan.

Ang iba pang non-Olympic athletes na nalugmok suot ang kanilang unipormeng pandigma ay sina Carlos Canillas, Albert Murrow at Robert Keesy ng basketball; Francisco Zarcal at Martin Roxas sa boxing; Jose Miranda ng football; at Concepcion Santos-Cepeda at Juan Ladaw Jr. ng tennis.

Si Gng. Cepeda ay mahabang panahong kampeon ng Pilipinas sa singles at doubles ng tennis. Siya at si Simon Santos ng track and field ang kauna-unahang Santos sister-brother na nagbuwis ng buhay noong panahon ng giyera habang naglalaro ng kani-kanilang sport.

Ang PAAF president noon na si Jorge Vargas ang nanguna sa seremonyang ginanap noong General Assembly ng noon ay naghaharing ­pederasyon sa palakasan sa Pilipinas.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment