MGA BAGONG IMPORMASYON UKOL SA MAG-AMANG SAN VICENTE

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

HINDI pa rin matapos-tapos ang isyu na kinasasangkutan ni PNP OIC Lt. Gen. Vicente Danao Jr. na may kinalaman sa “mano po” incident na nakunan ng video at larawan ng mga miyembro ng media.

May panibago na namang larawan na nag-viral sa social media ngayon at sa pagkaka­taong ito nakunan ng larawan ang mahigpit na kamayan ni Gen. Danao at ng ama naman ng suspect na kinilalang si Joel San Vicente na naganap din sa naturang presscon.

Ano nga kaya ang kaugnayan ni Gen. Danao sa pamilya San Vicente?

Pero ang hindi alam ng nakararami na bulung-bulungan na ngayon sa hanay ng media lalo na sa mga dumalo sa naturang presscon, ang “DALAWANG ORAS” na pinaghintay ang media na walang kaalam-alam kung ano o para saan ang ipinatawag na presscon.

“Parang scripted na nga ang presscon, sumablay pa,” ayon sa isa mga kasamahan namin sa hanapbuhay.

***

Sino nga ba ang pamilya SAN VICENTE ­partikular ang mag-amang Joel at Jose ­Antonio? Ayon sa isang ­mapag-kakatiwalaang source, ang ama ng suspek na si JOEL ay dati nang nasangkot sa isang kaso ng pagpatay sa isang ­Fil-Chinese na si Dennis Wong noong taong 1995 na tinawag na “Kill and Run” ng media noon.

Ayon sa impormasyong ating nakalap, nangyari ang insidente sa parking lot ng isang banko sa Quezon City.

Hindi nga nahuli ang may gawa ng krimen dahil nakatakbo nga ito pero isinuko ni Joel San Vicente ang baril na ginamit sa pamamaril na tumugma sa ­balang ginamit sa biktima, ayon sa ballistic examination.

Nakakuha rin ang mga pulis ng isang ATM card na may pangalang Violeta San Vicente sa tabi ng bangkay nito, samantalang ang sasakyan na Mercedes Benz na ginamit ay narekober sa isang bayan sa Nueva Ecija.

Sa isang artikulo sa isang pahayagan na lumabas noong kasagsagan ng kaso, inilarawan na isa raw mayamang ­negosyante si Joel San Vicente.

Napawalang sala si San Vicente ng Supreme Court First Division noong 1998 dahil sa kawalan ng saksi sa buong pangyayari.

Katulad ng kanyang ama, mailap din ang impormasyon ukol sa pagkatao ng anak nito na si Jose Antonio San Vicente na suspek naman sa pagsagasa sa guwardiya sa Mandaluyong City na si Christian Joseph Floralde.

Interestingly, ayon sa isang mapagkakatiwalaang impormante, ang batang San Vicente ay isa palang karerista!

Sa racing result ng karera na ginanap noong 2021 na ­ipinadala sa inyong lingkod, makikita ang pangalan nito na ayon sa ­ating impormante ay sinasalihan lang ng mga ­nakaririwasa o ­mayayaman sa lipunan.

Related posts

Leave a Comment