MGA BALIK-MANGGAGAWANG OFW MASALIMUOT ANG BUHAY SA IBANG BANSA

AKSYON NI CASTILLON

DAPAT suriin ng ating gobyerno sa lalong madaling panahon ang batas at regulasyon sa pagpapadala ng mga OFW sa ibang bansa na kung ituring ay “Balik-Manggagawa”. Kalunos-lunos ang kalagayan ng napakaraming kababayan natin sapagkat walang ahensya na sasaklolo sa kanila kapag nagkaroon ng problema sa employer. Ang isang OFW ay maituturing na Balik-Manggagawa kapag siya ay nakauwi na ng Pilipinas ngunit nagtrabaho muli sa kanyang amo. Kapag natapos na ang kontrata, ang ahensya na nagpaalis sa kanya ay wala nang pananagutan at hindi na ito kasali sa susunod na kasunduan. Hindi puwedeng kasuhan ng OFW ang kanyang ahensya.

Maraming pagkakataon na ang isang OFW ay nakaranas ng maayos na pagtrato subalit sa kanyang pagbabalik ay nagkakaroon ito ng problema sa kanyang amo na nauuwi pa minsan sa karahasan. Dito magsisimula ang kanyang kalbaryo dahil wala na itong ahensya na puwedeng lapitan. Ang tanging makakaligtas sa kanya ay ang ating gobyerno sa pamamagitan ng Philippine Overseas Labor Office (POLO).

Napakaraming OFW ang hindi agad nasasagip sa ibang bansa dahil sa kakulangan ng mga kawani o empleyado sa POLO at Welfare Office lalo na kapag nasa liblib na bahagi ng Middle East ang lugar na pinagtatrabahuhan ng manggagawa. Isa itong seryosong problema na hindi pa rin natutugunan ng ating gobyerno kahit ilang dekada na ang lumipas.

Panahon na para makipag-usap nang maayos ang ating gobyerno sa mga bansang pinagtatrabahuhan ng ating kababayan upang makagawa ng paraan na madagdagan ang mga tanggapan ng ating gobyerno na pwedeng matakbuhan kapag nagkaroon ng problema ang ating mga manggagawa.

Sa bansang Saudi Arabia, tatlo lamang ang lugar na pwedeng mapuntahan ng distressed workers. Ito ay ang Riyadh, Jeddah at Al Khobar. Pahirapan ang pagsaklolo sa ibang bahagi ng bansa at ito ang kadalasang dahilan kung bakit hindi agad natutugunan ang mga problema ng OFW na nakakaranas ng pagmamaltrato.

Sa ngayon, inaasahan pa rin ng ating mga kababayan ang sapat na tulong mula sa hanay ng ating gobyerno sapagkat ang mandato ng batas sa pagbibigay ng proteksyon sa mga OFW habang sila ay nasa ibang bansa ay hindi puwedeng ibaling sa recruitment agencies. May mga importanteng bagay na nagagawa ang ating pamahalaan na hindi kayang gawin ng mga ahensya.

Ang gobyerno rin ang makikipag-ugnayan sa pamahalaan ng ibang bansa kapag ang mga OFW ay nasasangkot sa mabibigat na krimen. Sa katunayan ay marami pa rin tayong mga kababayan na nakakulong hanggang ngayon dahil gawa-gawa lamang ng employer ang kanilang kasalanan. Doble ang dagok sa Balik-Manggagawa.

Kung kayo ay may mga katanungan na kailangan ng kasagutang legal, sumulat lamang sa “AKSYON NI CASTILLON” sa email address – castillon.lawoffice@gmail.com

17

Related posts

Leave a Comment